04 May 2007
Link to Eternal Sunshine of the Spotless Mind Screenplay
http://www.beingcharliekaufman.com/spotless.txt
I enjoyed this movie. See the difference with the script and the movie.
In the movie, they stopped when Joel and Clementine found out that they had a history together, and yet they want to try again.
While in the original charlie kaufman script, Joel and Clementine kept doing things over and over again, living together for two-three years, and then they both have their memories erased again, until everybody become old. Even the doctor and Mary(kirsten dunst) became old. It became a pattern, a never ending pattern of finding love, then losing patience, and then thinking you want to give up everything, and then when you're alone again you yearn for that companion, and you're willing to try again, for love. In conclusion - you can never fool your heart - they just have to learn that in a relationship, like any other things - it needs work.
Labels Screenplay
03 May 2007
Kaya nga nun nagkolehiyo ako, isang taon mula nang makilala ko siya. Tinanong ko agad ang aking mga kapatid kung nasaan ang Pasig. Sabi nila malayo daw yun, nakatira kasi kami nuon sa Sampaloc, malapit sa U-belt.Tinanong nila ako bakit ako nagtatanong, may pupuntahan daw ba ako sa Pasig? Wala naman daw kaming kakilala sa Pasig. Tumahimik na lang ako. Ayokong sabihin sa kanila na pupuntahan ko si Ate Suzette, hindi naman nila kasi siya kilalza. Hindi naman kasi sila umuwi nung namatay ang Ninang ko, kaya hindi nila ako maiintindihan.
Nung nasa kolehiyo na ako, sabik akong nakipagkilala sa mga bago kong kaklase. Tinanong ko sila kung saan sila nakatira. Karamihan mga taga-probinsiya rin silang katulad ko kaya nagbo-board lang sila sa malapit, umuuwi sila sa kani-kanilang probinsiya tuwing weekends. Nadismaya ako ng kaunti, hindi rin kasi nila alam kung nasaan ang Pasig. Nasa taft kasi ang kolehiyo namin, at wala akong makitang mga dyipni o kaya ay fx o bus na may karatulang Pasig. Kaya marahil nga, malayo nga yun. May nagsabi pa nga nuon na lugar ng mga iskwater yun. Nagulat ako, nagalit pa nga. Sabi ko hindi yun lugar ng mga iskwater, kasi may kaibigan akong nakatira duon. Hindi ko nga lang alam ang eksaktong address, pero nasa Pasig lang siya. Makalipas ang ilang buwan hindi ko pa rin alam kung nasaan ang Pasig, at kung paano pumunta dun. Takot din naman kasi akong magtanong-tanong kasi ayokong maloko, at ayokong mawala. Mahina ang loob ko pag nawawala ako. Lalo na kapag hindi kasya ang pera ko pang-taxi.
Dumating na ko sa puntong nakalimutan ko na ang layunin ko sa pagpunta sa Maynila, nakalimutan ko na ang Pasig. Pero tila isang guhit ng tadhana na itinakda talaga akong magpunta sa Pasig. May ipinapagawang research paper nuon ang aming guro, tungkol sa kasaysayan ng Maynila, ang kasaysayan ng ilog ng Pasig. Natural na nagpunta kami ng library upang maghanap ng mga detalye tungkol sa Pasig. Nagtanong tanong din kami kung san pa kami makakakuha ng mas maraming impormasyon. Nagpunta kaming National Library at kung saan saan pang mga open libraries.At sa wakas, nagpunta kami ng Pasig, upang kumuha ng larawan, mag-dokumento, mangalap ng impormasyon tungkol sa kaalaman ng mga tao hinggil sa kasaysayan ng bayan nila.
Iba ang nadatnan ko sa inaasahan ko. Ang iniisip kong Pasig ay parang sa bayan lang namin, ganun siya kaliit at hindi mahirap maghanap ng tao. Ang pinaka-worst na naisip kong sitwasyon ay parang sa Sampaloc, na tabi-tabi ang mga bahay at apartment. Pero inisip ko pa rin na mahahanap ko siya kasi kilala nga daw siya. Sobra akong tanga. Utak probinsiyana nga talaga ako. Dahil ang Pasig na napuntahan ko, iba sa mga napanaginipan ko.
Ikinuwento ko sa aking ka-grupo ang halaga ng Pasig sa akin. Sabi niya, bahagi lang ng pasig itong napuntahan namin. Nasa tabi kasi kami ng ilog Pasig nagtatanong. Kung saan kabit kabit ang mga bahay na gawa sa pinulot na GI, tagpi-tagping plywood, at pabigat na gulong ng sasakyan upang hindi maihangin. Nasa “iskwaters” area kami. Malaki naman daw ang Pasig, huwag daw akong mawalan ng pag-asa, mahahanap ko rin daw siya. Nabuhayan ako ng loob, at sa pangalawang balik namin sa lugar, napagtanto ko, maguumpisa na akong magtanong-tanong. Siguro naman kahit gaano kalaki ang Pasig mahahanap ko pa rin si Ate Suzette kasi nga kilala siya, model siya ng Ginebra Calendar, sikat siya. Natanggap ko na rin na okay lang kahit dun siya nakatira. Hindi na ako nandiri sa mga basurang nagkalat at sa mabahong amoy na galing sa kanilang mga palikuran na ang diretso ay ang ilog Pasig.
Pero ilang tao na ang natanong ko, wala silang kilalang Suzette. Ito pa ang masaklap, hindi ko alam kung anong apelyido niya. Hindi ko na natanong, hindi ko na tinanong. Sinubukan kong ipagtanong ang pangalan ni Pogi, ang totoong pangalan ni Pogi. Wala ding nakakakilala sa kanila. Marahil, hindi sila nakatira duon. Nasa mas magandang lugar sila nakatira, sa isang lugar na nababagay sa kanya.
Ilang taon na ang nakalipas at sa tuwing napapadaan o pumupunta ako ng Pasig, ipinagtatanong ko kung may kilala silang dating modelo ng Ginebra na nakatira sa lugar nila. Puro wala ang nakukuha kong sagot. Tuwing umuuwi din ako sa probinsiya namin, makailang beses na nangangati akong magtanong kay Ate Merle kung san ba talaga nakatira sina Ate Suzette. Pero ayokong gawin, iba ang iisipin nun. Iisipin nilang sinusundan ko si Pogi. Ayokong isipin nila yun. Nagtatayuan ang balahibo ko.
Isang araw, nakabakasyon ako sa probinsiya namin dahil Holy Week. Nang mapansin kong parang may handaan sa kabila. May mga bisita si Ate Merle. Tumambay ako sa balkonahe namin, pasilip-silip sa kabilang bahay, kunyari humihigop ng kape at nagi-isip. Nakita ko si Pogi na lumabas ng bahay nila, naka-bisikleta siya, may pupuntahan siguro. Natuwa ako, kinuha ko ang bike ng aking kuya at kunyari ay nagba-bike ako sa harapan ng bahay namin, sa kalye sa tapat ng bahay namin. Bumalik si Pogi, may dala-dalang supot na parang may laman na lata. Nakita niya ako at huminto siya sa tapat ko. Nginitian ko siya, kinumusta, tinapik ko pa nga siya sa balikat.
“Uy Neneng!”
“Nakabakasyon ka, sino kasama mo?”
“Sina Tita, matagal na kasi kaming hindi umuwi. Dalaw namin si Tita Merle.”
“Sinong Tita kasamo?”
“Sina Tita Bok.”
“Ahh.. sino pa?”
“Ako, si Benjo at pamilya ni Tita Bok.”
“Sino si Benjo?”
“Yung anak ni Tita Suzette.”
“Alin? Anjan ba si Ate Suzette?”
“Wala.”
“Bakit wala? Susunod ba siya?”
“Hindi ko alam. Kasi ano…”
“Ano?”
“Nagkaproblema kasi, basta. Dalaw ka na lang sa bahay tanungin mo si Tita Bok.”
“Ngii? Ayoko nga. Tsismosa?”
“HAHAH! Hindi basta, daan ka, halika kaya. Sama ka na sa kin.”
“Now na?”
“Hmm mmm. Kailangan ko na uwi ito eh.”
“Ano ba yan?”
“Gatas ng bata. Nung anak ni Tita Bok.”
“Ahh.”
“Ano halika na.”
“Saka na lang, basta daan na lang ako bigla.”
“Okay.”
“Sige!”
Umalis na si Pogi, pumasok na ng bakuran ng bahay nila, habang ako’y naka-istambay sa tapat ng bahay namin, pasilip-silip. Nagi-isip. Tama nga ang tsismis nuon. Anak nga ni Ate Suzette yung bata, marahil, totoo rin yung mga iba pang tsismis nuon. Nalungkot ako bigla. Parang naglalaho ang kaputian niya sa paningin ko.
Sa sumunod na araw ay pinagdala ako ng Mama ng kakanin sa kabilang bahay. Isa itong tradisyon tuwing Semana Santa, namimigay ng kakanin ang Mama. Tinanggap naman nina Ate Bok ang kakanin, nagpasalamat sila at nagkwentuhan kami saglit. Naka-apat nang anak si Ate Bok, nakatatlo naman na si Ate Merle. Magfo-fourth year college naman na ako, ilang buwan na lang ga-graduate na ako. Natuwa sila para sa akin, saka na naman nila tinawag si Pogi. Pero naka-ilang sigaw na si Ate Bok hindi pa nagpapakita si Pogi. Saka nila sinabi na hindi na nga nagpatuloy ng paga-aral si Pogi, nagloko kasi kaya hindi rin niya natapos ang hayskul. Ganyan lang siya, bum. Pasabit-sabit sa mga lakad. Mabuti na lang daw at masipag utusan kung hindi matagal na nila itong pinalayas. Saka tumawa si Ate Bok, jok lang daw. Hindi naman daw niya gagawin yun. Si Enchong naman daw, yung kuya ni Pogi, Engineer na. “Wow”, sabi ko. Si Enchong na lang sana ang naging childhood sweetheart ko. Nasa Cavite daw nagtratrabaho si Enchong, dun siya nadestino. Tinanong ko kung bakit hindi siya nagbakasyon. Nasa trabaho daw kasi, hindi makaalis.
Saka nagpakita sina Pogi at Benjo, galing sila sa panunungkit ng mangga sa likuran. Panahon na naman kasi ng mangga. Nagdala sila ng asin, suka at bagoong sa harapan namin, saka binalatan ni Pogi ang ilang mga mangga para sa amin. Nakangiti ako.
“Ang bait mo naman.” Inasar ko si Pogi.
“Asus! Walang ibang ginawa yan kundi maghanap ng lamon!” sabi naman ni Ate Merle.
“Hindi ah! Si Benjo kasi gusto niya mangga. Nagpakuha, kaya ikinuha ko na rin kayo.” Pagtatanggol naman niya sa kanyang sarili.
Napatingin ako kay Benjo, ang anak ni Ate Suzette. Malaki na siya, siguro magsa-siyam na taong gulang na siya. Gwapo ang bata, makinis ang kutis nito at matangos ang ilong. Mahahaba din ang kanyang mga pilik-mata at mamula-mula ang kanyang pisngi – parang si Ate Suzette. Nginitian ko siya, nakikita ko sa kanya si Ate Suzette, magkahawig talaga sila. Saka ako nag-usisa tungkol kay Ate Suzette.
“Nasaan nga pala si Ate Suzette?”
“Nasa Maynila”, sagot ni Ate Bok.
“Bakit hindi siya nagbakasyon?”
“Marami kasi siyang ginagawa eh, hindi siya makapagbakasyon.” Si Ate Bok ulit.
Tumango-tango lang ako, pahapyaw na tinignan ko si Pogi. Matulis ang nguso habang nagbabalat ng mangga. Alam kong may alam siya na itinatago lang nila. May nangyari kay Ate Suzette na ayaw nila ipaalam sa iba.
Kinagabihan, dumaan sa kalye namin ang prusisyon. Lumabas kami at nagsindi ng kandila, sumama sa prusisyon ang Mama, samantalang naiwan na lang akong nanunuod ng mga tao sa kalye. Lumabas din sina Ate Bok at nanuod. Pagkatapos ay nagpasukan na silang lahat, naiwan si Pogi na nakatambay pa rin sa labas ng bahay nila. Tinawag ko siya. Kumuha kami ng mga monobloc chairs sa loob ng bahay namin at nilagay namin sa garden at duon kami naupo. Alam niyang may itatanong ako sa kanya. Nakikiramdam siya.
Inumpisahan ko nang mahinahon ang usapan, nagkunwari akong interesado ako kung anong nangyari sa buhay niya. Humingi na rin ako ng dispensa sa ala-Robin Padilla niyang braso.
“Wala yun. Ako naman talaga ang may kasalanan.”
“Pero natulak nga yata kita.”
“Kahit na. Mas matanda ako sa iyo.”
“Ilang taon ka na nga ba?”
“22 na ko.”
“Ahh. 2 years lang pala tanda mo sa akin.”
“May boyfriend ka na ba?”
Umiling lang ako. “Eh, ikaw? Marami ka na siguro naging girlfriends no?”
Tumawa siya. Kinapa ang mga bulsa ng shorts niya, may hinahanap. Naglabas siya ng lighter, saka siya tumingin sa akin. Umiling ako, naintindihan naman niya. Ayoko ko kasi ng usok ng sigarilyo. Maliban na lang kung ako yung naninigarilyo dahil hindi ko naamoy ang usok, ibinubuga ko sa ibang tao. Dahil hindi ko siya pinayagang manigarilyo, itinago niya ulit ang lighter, sumandal sa monoblock at saka nagde-kwatrong upo. Lawlaw ang kanyang shorts na tulad ng sa mga basketbol players, kaya pakiramdam ko habang ginagalaw-galaw niya ang kanyang nakade-kwatrong mga paa, mahuhulog anumang oras ang itlog niya.
Natawa ako at umiling. Ayoko yatang makita yun. Baka ipakain ko pa kay Rizal. Napatawa rin siya nang tumawa ako. Natawa ako lalo dahil hindi niya alam na ang pinagtatawanan namin ay ang itlog niya. Ilang segundo din kaming tawa ng tawa. Marahil naalala niya noong bata pa kami, walang ginagawa sa buhay, naka-istambay lang. Pero iba na ngayon. Iba na ko sa kanya. Iba na ang buhay naming dalawa. Saka ko naalala ang mga tanong ko.
“Ano ba talaga ang nangyari kay Ate Suzette? Bakit parang may itinatago si Ate Bok kanina?”
“Bakit ba gusto mo malaman?”
“Kasi naku-curious ako. Kaibigan ko rin naman si Ate Suzette.”
“Nasa Maynila nga siya.”
“Anong ginagawa niya duon?”
Bumuntong-hininga si Pogi ng malalim. Nag-iisip kung sasabihin ba niya o hindi ang totoo sa akin. Alam ko konti na lang mapapaamin ko na siya. Kaya ginatungan ko pa ang aking pagtatanong.
“San ba talaga kayo nakatira? Sa Pasig ba?”
“Dati sa Pasig kami.”
“Dati?”, gulat kong tanong.
“Lumipat na kami sa Caloocan.”
“kailan pa?”
“Siguro mga limang taon na rin kami dun.”
“Limang taon? Eh yun lang yata yung uwi niyo nung namatay si Ninang ah!”
“Ah, oo. Pagkagaling namin dito. Ilang buwan lang lumipat na kami.”
“bakit sabi ni Ate Suzette noon puntahan… dalawin pala sa Pasig?”
Nagulat si Pogi sa sinabi ko. Umupo siya ng tuwid at saka tinitigan niya ako ng malalim.
“Sinabi yan sa iyo ni Tita Suzette?”
“Oo, nag-usap kami nuon sa burol ni Ninang.”
“Ano pang sabi niya sa iyo?”
“Bakit ba gusto mong malaman? Ako ang nagtatanong sa iyo, ah.”
Napatingin siya sa lupa, pagkatapos ay sumandal muli at nadekwatrong upo, saka siya umiling-iling.
“Wala lang.”
“Nasaan ba talaga si Ate Suzette? Para namang suspense ka, oh!”, ang naiinis ko nang himutok.
Sumimangot siya. Sa liwanag ng buwan nakita kong lumungkot ang kanyang mga mata. Kumikislap kislap ito, parang may namumuong mga luha na pilit niyang pinipigilan. Tumingala siya upang hindi dumaloy ang mga ito ng tuluyan. Saka siya nagpakawala ng napakalalim na buntong-hininga. Pagkatapos ay hinarap niya ako, ako na nananabik na naghihintay ng kasagutan.
“Anong sabi ni Tita sa iyo noong nag-usap kayo?”, ang mahinahon niyang tanong.
Napatulala ako, seryoso siya. Gusto niyang malaman. Kaya sinabi ko ang totoo. Sinabi ko kung paano inamin ni Ate Suzette ang pagda-drugs niya, ang pagtulog niya sa Luneta, ang pagkakaroon niya ng boyfriend, at ang pagkahanap niya sa Diyos. Nakatingin lang si Pogi sa akin. Nag-iisip.
“Siguro, dalawa o tatlong buwan pagkagaling namin dito. Ipinasok namin si Tita sa drug rehab.”
Nagulat ako. “Drug rehab?”
Tumango lang si Pogi.
Pero hindi pa rin ako makapaniwala, “Bakit niyo ipinasok? Okay naman na siya nung nagkausap kami ah.”
“Akala nga din namin okay na siya. Pero bumalik siya sa dati. Nagwawala siya kapag hindi siya nakakakuha. Pagkatapos, pinapalo niya si Benjo. Alam mo yang si Benjo, hindi na ko magtataka kung ayaw na niya makilala nanay niya. Grabe inabot nang batang yan sa nanay niya!”
“Dahil lang dun ipinasok niyo na?”
Tumingin siya sa akin. Gulat ang reaksyon niya, “Dahil lang duon?”
Naging defensive ako, nakataas ang aking mga kilay na naghihintay ng kanyang susunod na reaksyon.
“Nawawala siya nuon ng siguro isang linggo. Hanap kami ng hanap sa kanya. Umiiyak na nuon sina Ate Bok, nagagalit na sila sa amin ni Kuya dahil kami ang kasama niya sa bahay. Dapat kami ni Kuya ang nagbabantay sa kanya. Natatakot kaming hindi na namin siya makita ng buhay. Baka nilaslas na lang siya sa kalye pagkatapos reypin..”
“Ano ka ba naman! Bakit mo naman iisipin yan? Sinabi mo pa! tok tok mo sa kahoy!”
“Ha?”
“Ikatok mo para hindi magkatotoo!”
“Ikatok ang alin?”
Hindi niya ako naiintindihan. Hindi ko rin naiintindihan ang mga pinagsasabi ko. Hindi ko maipaliwanag ng maayos dahil sa takot at gulat ko para kay Ate Suzette. Kaya kinuha ko ang kanyang kamay, pinorma sa isang kamao at ikinatok ko sa katabi naming puno. Nagpaanod siya sa ginawa ko, nakatingin pa rin sa akin nang pagkatapos kumatok ay bumalik na ko sa silya. Saka siya tumawa.
“Ano yun?”
“Basta!” Para akong batang nahuli na may ginagawang kababalaghan. Nahiya ako sa ginawa ko pero itinago ko ito sa aking pagkamataray, na kunyari wala akong pakialam sa kung ano ang iniisip niya.
Umupo na siya sa silya, nakatingin pa rin sa akin.
“Matagal nang nangyari yun. Sa awa ng Diyos wala namang masamang nangyari sa kanya.” Paliwanag ni Pogi.
“San niyo siya nahanap?”
“Hindi namin siya nahanap. Kusa siyang inuwi nung dati niyang kinakasama. Addict din kasi yung lalakeng yun, kaya naimpluwensiyahan siyang mag-drugs uli.”
“Buti isinoli pa siya.”
“Wala siyang magawa, hindi rin niya makontrol ang tita kapag nagwala.”
“Tapos?”
“Tapos nagwala ulit siya sa bahay, kaya nagpatawag na yung asawa ni Tita Bok, tapos ipinasok na sa rehab si Tita.”
“Pagkatapos? Andun pa rin siya hanggang ngayon?”
Umiling si Pogi.
Kinabahan ako. Nanahimik ako, naghihintay sa mga susunod na bibigkasin ni Pogi.
Ilang minuto ang lumipas. Inip na ko.
“Ano ba! Grabe ka naman sa suspense, oh! Ano na nangyari? Nasan na siya ngayon?”
Nagulat siya sa bigla kong pagsigaw, nagalit na rin siya pero hindi niya ako pinatulan. Tumalikod siya at nanigarilyo. Napatda ako sa reaksyon niya. Ang kapal ng mukha niya, dito pa siya sa garden ng Mama maninigarilyo. Sasabihin ko sana na magagalit ang Mama kasi maaamoy sa bahay ang baho ng usok nito pero nang hinarap ko siya, nakita kong seryosong –seryoso siya. Na kapag inasar ko pa, baka sasakalin na lang niya ako anumang oras. Kaya tumahimik ako. Hinayaan ko siyang ubusin niya ang isang stick ng Winston Lights.
Umupo siya sa monoblock chair, saka niya ipinaliwanag sa akin na huwag huwag ko raw babanggitin kahit kanino ang napagusapan namin. Baka raw magkalat na naman ng tsismis dito sa amin tungkol kay Ate Suzette. Narinig daw kasi ni Ate Suzette lahat ng balita noon kaya naapektuhan siya. Kaya pala malungkot siya nuon nung makausap ko, narinig pala niya lahat. Hanggang sa matapos ang libing at bumalik silang Maynila, hindi na bumalik ang sigla niya. Nasa loob lang siya ng bahay palagi. Ipinaliwanag din ni Pogi na huwag ko na raw siyang hahanapin at huwag na raw akong magtatanong. Basta nasa mabuting kalagayan daw ang Tita Suzette niya at nagpapagaling.
“Nagpapagaling? Anong sakit niya?”
Hindi na ako sinagot ni Pogi, sinindihan niya ulit ang isa pang stick ng Winston Lights. Saka siya tumayo at umalis. Tinawag ko siya ulit. Lumingon lang siya pero hindi na siya lumapit.
“Totoo bang naging calendar girl siya ng Ginebra dati?”
Ngumiti si Pogi, tumango siya. Pagkatapos ay tumalikod siya at tuluyan nang umalis.
Hindi ako nakatulog nang gabing iyon. Sabi niya kalimutan ko na lahat. Pero ang hirap yatang gawin yun.
At ngayon nga, limang taon mula nang magkausap kami ni Pogi, at sampung taon mula nang huli kong makita si Ate Suzette. Nakalimutan ko na ang kabanatang iyon, na pakiramdam ko, kapag namatay ako, maituturing na lang siyang isang “unfinished business”. Nagkaroon na rin ako ng mga karanasang maibibida ko kung may lumapit man sa akin at humingi ng advise o kung anu pa man. Nakadalawang kurso na rin ako, uso kasi ang pagkuha ng Nursing. At dahil sa nasa ibang bansa na ang ate ko, praktikal lang para sa akin ang mag-Nursing din upang mapaunlad ang buhay ko sa pamamagitan ng pagtratrabaho sa ibang bansa bilang nars. Naipasa ko na din ang pambansang pagsusulit para sa lisensiya ng mga narses, at hindi rin naman nakakahiya ang markang nakuha ko. Ngayon, papasok ako sa trabaho. Isang taon lang daw akong kukuha ng experience sabi ng ate ko, pwede na akong umalis ng bansa.
Ilang buwan na rin akong nagtratrabaho sa Ospital na ito, konting panahon na lang maayos na ang mga papeles ko. Maaari na akong lumipad patungo sa ibang bansa upang duon mamuhay, duon umpisahan ang buhay ko, duon kumita ng maraming pera.
Sa aking araw-araw na pag-aalaga sa mga pasyente dito, at paniniguro na hindi nila sasaktan ang kanilang mga sarili, parang may kakaiba sa araw na ito. Umikot ako sa ward namin na parang naghahanap pero wala akong maisip kung anong kakaiba. Hanggang sa matapos ang shift ko at palabas na ako ng building nang may makita akong pamilyar na mukha sa may garden ng ospital. Hindi ko alam kung bakit biglang bumigat ang pintig ng puso, pinagpawisan ako ng malapot habang pakiramdam ko ay binuhusan ako ng malamig na tubig.
Lumingon siya. Iba na ang itsura niya ngayon. Ang dating mamula-mula at kaakit-akit niyang mukha ay napalitan ng isang maputlang anino. Ang matayog niyang pagkatao ay napalitan ng isang nagtatagong kaluluwa, na nagnanais kumawala sa katawang tao na bumibilanggo sa kanya. Lumapit ako, pero nag-iwan ako ng dalawang hakbang sa pagitan namin. Ayoko siyang matakot, ayoko siyang matakot sa akin. Maikli na ngayon ang kanyang dati’y mahaba na buhok, gupit lalake na ito. Maitim na ulap ang nakatakip sa dati'y asul na kalangitan sa kanyang mga mata, mugto ang mga ito, galing siya sa pag-iyak; at ang kanyang dati’y malusog na pangangatawan… parang ninakawan siya ng ilang piraso ng kanyang tadyang at lamang loob dahil sobra ang ipinayat niya. Halos hindi ko siya mapagkamalang siya, maliban na lang sa kanyang ngiti.
Nakita niya akong nakatayo sa harapan niya. Nginitian niya ako. Bumilis ng bumilis ang pintig ng puso ko, nauubusan ako ng hangin, nag-iinit ang mga kamay ko, napapaso ang mga mata ko. Diniligan ito ng mga luhang kusang dumaloy upang mapatid ang pagkatigalgal ng aking kamalayan. Si Ate Suzette. Sa tagal ng paghahanap ko sa kanya, at kung kailan handa na akong umalis at iwanan ang lahat, saka ko siya makikita… at dito pa. Bakit dito pa.
Pinagmasdan ko siya. Anduon pa rin ang mga pekas niya leeg, pero hindi na kasing puti nang nasa alaala ko ang kanyang kutis, ang kanyang mukha. Para siyang isang batang nakangiti sa kawalan, may kalarong anghel, may nakikitang hindi ko nakikita.
Kinausap ko siya. Sabi ko kamusta na siya. Tinignan niya ako, saka niya ako tinawag. Pinaupo niya ako sa kanyang tabi. Tinitigan niya ako gaya ng pagtitig niya sa akin nung bata pa ako. Sa sandaling iyon nakita ko ang Ate Suzette na kausap ko noon sa burol ng Ninang ko. Hinaplos niya ang aking buhok. Saka siya nagsalita.
“Maikli na ang buhok mo ngayon. Mas mahaba dati di ba?”
Nagulat ako, naaalala niya ako. Natuwa ako at isang nagpapasalamat na ngiti ang naukit sa aking mukha.
“Ate Suzette. Maikli na rin ang buhok mo.”
Ngumiti siya. Hinawakan niya ang kanyang buhok, saka parang nahihiya siya na nadatnan ko siyang ganoon ang itsura. Sinuklay niya ng kanyang mga kamay ang kanyang buhok, pinunasan niya sa pamamagitan ng manggas ng kanyang daster ang dumi niya sa mukha. Tumalikod siya sa akin at dumahak sa lupa, pagkatapos ay inamoy niya ang kanyang hininga. Natawa ako. Saka ko hinagod ang likuran niya. Tinanong ko kung anong ginagawa niya. Humarap siya sa akin na tinatakpan niya ang kanyang bibig, hindi pa raw siya nagtu-toothbrush. Ngumiti ako, sabi ko hindi niya kailangang mag-toothbrush para sa akin. Hindi mababawasan ang paghanga ko sa kanya.
Alam kong napangiti ko siya sa sinabi ko, dahil sa likod ng kanyang kamay ay kumikisklap ang kanyang mga mata sa tuwa. Hanggang sa tuluyan nang tumulo ang kanyang mga luha. Humihikbi lang siya, pero nang lumaon ay humagulgol na siya. Pinatahan ko siya, hinagod ang kanyang likuran. Ayoko siyang umiyak. Naiiyak na naman kasi ako. Yumakap siya sa akin. Baligtad na ang posisyon namin ngayon. Yumakap siyang parang isang batang nagsusumbong sa kanyang ina. Humahagulgol siyang nakayakap sa baywang ko. Hinagod ko ang kanyang buhok, na parang isang ina na uma-alo sa nagtatampong anak.
Ito ang hantungan ng sampung taong pagitan namin. At ngayon nakita ko na siya ulit. Taliwas sa inaasahan ko ang mga pangyayari. Ngayon ko napagtanto na isang balatkayo lamang pala ang nakilala ko at ang hinanap ko, dahil ngayon at nakita ko na ang katauhan sa likuran ng maskara. Hindi ko na ito gugustuhing makita pa. Humahanga pa rin ako sa tapang niya, humahanga pa rin ako sa katatagan niya. Humahanga pa rin ako sa balatkayo niyang kagandahan… pero wala na ang uri ng paghanga ko noong una ko siyang makilala. Dahil hinayaan niyang sirain ng isang kemikal ang buhay niya, dahil kahit matapang siya, ang katotohanan ay mahina siya, sumusuko kaagad sa tawag ng laman – naaawa ako. Naaawa ako sa kanya.
Ako naman ang magbibigay ng mga pangaral sa kanya ngayon. Ako naman ang magsasabi na pahabain niya ang kanyang buhok; ako naman ang magsasabi na alagaan niya ang kanyang mga ngipin dahil crowning glory ito ng mga babae; ako naman ang magtatanong kung nais pa niyang makita muli ang kanyang anak; ako naman ang magtatanong kung nais pa niyang gumaling at tuparin ang kanyang mga pangarap.
Sa natitira ko pang panahon bago ako umalis, araw araw ko siyang dinadalaw. Minsan nagkakausap kami ng maayos, minsan naman paikot ikot lang kami. May mga pagkakataong nagiging bayolente siya, at dahil mahina ako hindi ko siya kayang pigilan, pinipigilan ko na lang ang aking mga luha tuwing ikinukulong siya sa isolation room. Tinatawag niya ang aking pangalan, humihingi ng tulong. Pero natuto akong maging matigas, dahil hindi ko siya matutulungan kung magiging mahina rin ako.
Magpapatuloy ako sa buhay dala ang karanasan kong ito. Hindi ko alam kung ano talaga ang natutunan ko, kung ano ang aral sa kwento ko. Ang mahalaga ay nahanap ko siya, at tinutulungan ko siya ngayon, at kung darating ang panahon na hindi na niya kakailanganin ng tulong ko, matutuwa ako sa ala-alang may isang taong nagkaroon ng maliit na parte sa buhay ko, at ako sa buhay niya (kahit hindi na niya alam, siguro).
END @aymi
Labels home run, Short Story
02 May 2007
Nagising ako isang umaga na walang tao sa bahay namin. Nasa ikatlong taon ako ng hayskul noon, at nasanay ako na ang sigaw ng Mama ang alarm clock para maligo na at magbihis papuntang skul. Isang oras pa kasi ang byahe sa jip na kung minamalas ay punuan pa, at sa upuang kahoy na nilalagay pahalang sa dulong bahagi ng jipney at nagsisilbing upuan ng mga babaeng excess ako makakaupo, samantalang nakasabit na ang mga lalake sa labas at yung iba ay kumportable nang nakaupo sa bubungan ng jip.
Lumabas ako ng kwarto at nagulat talaga ako dahil tahimik na tahimik. Pero nakita ko pa sa sala ang school bag ng Mama ko. Ito yaong lagayan niya ng mga libro at lesson plan. Ito yaong bag na binubuhat ng mga pupils niya pauwi galing skul dahil gusto nilang magsipsip sa grade four teacher nila. Hindi umaalis ang Mama nang hindi dala ang bag. Lumabas ako ng bahay at nakita ko sa garden si Stay Out. Si Stay Out ang kasama namin mula alas-sais ng umaga hanggang alas-sais ng hapon, hindi siya natutulog sa bahay kaya ang tawag sa kanya stay out.
“Manang, nasan si Mama? Umalis na?”
“isinugod si Aling Ester sa hospital, tinawag ni Merle kanina.”
“Bakit anong nangyari?”
“Inatake ng asthma. Ako pa nga tumawag ng ambulansiya eh.”
Chain smoker kasi si Aling Ester, ang balita ko isang pakete ng Phillip Morris sa isang araw ang nauubos niya, o kaya ay higit pa. Ninong at ninang ko silang mag-asawa, pero sa naaalala ko, wala akong regalong natatanggap tuwing pasko o kahit birthday mula sa kanila. Hindi naman sa naghahanap ako ng regalo, natural lang naman sa bata ang umasang bibigyan ng regalo ng kanyang mga ninong at ninang.
Ang Ninong, ang asawa ni ninang ester ay nauna na sa hukay dalawang taon na ang nakakalipas. Inatake sa puso. Ang sabi ng iba karma daw. Treasurer kasi siya sa munisipyo namin. Kaya ang tsismis, ibinubulsa niya ang kaban ng yaman, at siya nitong ginagamit sa pambababae niya. May tisismis pa nga na naging kabit niya ang kapitbahay naming byuda. Pero nahihiwagaan pa rin ako kasi pakiramdam ko totoo yun, dahil tuwing magsasalubong ng landas ang mga anak ng byuda naming kapitbahay at mga anak naman ng ninong ko (napapagitnaan kasi ang bahay namin), nagsisigawan at nagbabatuhan sila. Kapana-panabik kapag may mga tagpong ganoon sa tapat namin dahil natutuwa ako, mahilig ako sa aksyon noon. Gustong gusto ko ng mga kung fu, yung mga kickboxers (american kickboxers, van damme – idol ko si van "damned" nuon. Nuon yun.) Saka ko tinatanong ang Mama bakit sila nag-aaway eh ang paniwala ko dapat nagmamahalan ang mga magkakapitbahay. Eh masyado nga daw "luv" ng ninong ang kapitbahay naming byuda.
May asthma nga ang ninang, kahit anong oras ay maririnig mo siyang ubo ng ubo, pero madalas ko rin siyang nakikitang naninigarilyo. Kung minsan nga, kapag wala siyang mautusang bata ay sumisigaw siya bakod na alambre tinatawag ako, nagpapabili ng Phillip Morris. Bibigyan niya ako ng kinse, dose pa yata ang isang pakete nuon, akin ang barya, bale meron akong tatlong piso tuwing inuutusan niya ako. Kaya okay lang naman sa kin kahit ober da bakod siya mag-utos.
Pumasok akong skul nang araw na iyon. Panandalian kong nakalimutan na isinugod sa ospital ang ninang. Pag-uwi ko ng alas-singko ng hapon, may lona na sa tapat ng bahay nila, nakaburol na ang ninang. Natuluyan na. Naabutan ko pa si Stay Out na nagluluto ng hapunan namin. Pagkatapos ng ilang minuto ay dumating na rin ang mga magulang ko galing skul. Nag-half day na lang ang mama, ang daddy naman ay pumasok pa rin sa skul, Principal kasi kaya hindi pwede umabsent. Nagbihis ako ng pambahay, humilata naman sa “butaka” tulad ng kinagawian ang mga magulang ko. Saka ko sila inusisa pagbaba ko.
“Ma, anong nangyari sa kabila?”
“Namatay na.”
“Alam ko. Anong oras?”
“Kaninang umaga. Sumisigaw si Merle humihingi ng tulong hindi na raw humihinga si Ester.”
Sa pagkakataong yun, sumabat na ang Daddy.
“Bakit daw?”
“Asthma”, ang sagot ng Mama. “Natuluyan na. Sabi ni Merle, kaninang madaling araw pa raw siya ubo ng ubo.”
“Bakit hindi pa niya itinakbo agad?” ang sabat ko naman.
“Ewan. Tanungin mo siya mamaya pag punta natin sa kabila”, sagot ng Mama.
Hindi mahilig sumagot ng tanong ang Mama, lalo na pag galing sa akin na ang tanging layunin ko lang naman ay maki-usyoso. Bata pa ang tingin nila sa akin at wala pa akong muwang kung anong nangyayari sa paligid ko. Pero kapag ibang tao ang nagtatanong, sige naman sa pagkukuwento ang Mama.
Bago pumunta ang mga co-teachers ng Mama sa burol ay dumaan muna sila sa bahay. Natural nagtanong sila kung anong nangyari, sige naman sa kwento ang Mama. Nakinig na lang ako dahil gusto ko rin malaman kung ano talaga ang mga pangyayari.
Humingi daw ng tulong si Ate Merle mga bandang 6:30 kaninang umaga, takbo naman daw ang Mama at si Stay Out. Umalis kasi ng maaga Daddy at dala yung Owner Jeep kaya inutusan ng Mama si Stay Out na pumunta sa Health Center at hiramin ang Ambulansiya. Pagdating ng ambulansiya sa bahay nina Ninang Ester, iyak na ng iyak si Ate Merle, kasi parang hindi na talaga humihinga si Ninang Ester. Habang papunta daw sa Ospital, nakapwesto kasi ang Mama sa may paanan ng stretcher, may nakita raw siyang tumutulo. Nang tinignan daw niyang maiigi kung bakit nababasa ang sahig ng ambulansiya, galing daw sa stretcher. Saka daw niya na-realize nang oras na iyon na patay na ang Ninang Ester kasi umihi na siya. Wala nang kontrol sa katawan kaya naihi na. Tinignan daw niya si Ate Merle, hindi na lang daw niya sinabi hinintay na lang niya na makarating sila sa Ospital at ang Ospital na ang magsasabi kung patay na nga ang Ninang Ester.
Tumango-tango ang mga co-teacher ng Mama. Saka sila nagdebate sa masamang dulot ng sigarilyo sa katawan. Hindi na ako nakinig. Lumabas ako ng balkonahe at pinanood ko ang paglalagay nila ng ilaw sa mga tolda at paga-ayos nila ng mga upuan at mesa para sa mga dadalaw sa burol. At sa mga magsusugal. Magdamagang “tong-its” at mahjong ang katapat nito kapag may burol.
Pagkatapos ng hapunan ay pumunta na kami sa kabilang bahay. Hindi na sumama ang Daddy dahil walang kasama ang Lola, umalis na kasi si Stay Out. Kaya kami na lang ng Mama ang pumunta, kasama ang mga co-teachers niya. Konti lang ang tao sa burol. Siguro dahil hindi pa alam ng mga tao na namatay na ang Ninang Ester, pero sabi ng Mama, wala silang masyadong kaibigan sa bayan namin. Hindi rin kasi sila dumadalaw sa burol ng mga ibang namamatayan kaya konti lang din ang dadalaw sa kanya ngayon. Kumbaga, hindi sila pala-kaibigan. Kung may dadalaw man, gusto lang nila ng lugar na pagsusugalan. Wala pa rin silang gaanong mga kamag-anak.Lima ang anak ng Ninang , nakasunod sa pangalan ng ninong ang mga unang letra na kanilang mga pangalan. A-M-A-D-O (Anghelita, Merlita, Amelita, Dalisay, Orlando). Apat na babae, bunsong lalake, pero bata pa nang mamatay si Orlando, hindi ko na nga siya nakilala, sa pictures ko na lang siya nakita. Si Ate Merle lang ang nasa bayan namin ngayon, nasa ibang bayan si Ate Hele, nasa Maynila si Ate Bok, nasa Canada si Ate Dalisay. At ang kanilang mga kamag-anak ay halos nasa ibang bayan din lahat. Kaya malamang, kinabukasan pa sila makakarating lahat o sa makalawang araw. Si Ate Dalisay ay hindi makakauwi, kapapanganak lang daw niya sa Canada, hindi pa siya pwede bumiyahe at ayaw siya payagan ng asawa niya. Tumawag na lang siya kay Ate Merle, umiiyak.
Hatinggabi na nang sinundo kami ng Daddy. Pinauwi na niya ako dahil may pasok pa ako kinabukasan at dahil iniwan niyang nag-iisa ang tulog ko nang Lola. Marahil hanggang umaga silang nakipaglamay kina Ate Merle, dahil ang mga magulang ko lang ang matatakbuhan ni Ate Merle, dahil wala siyang mga kamag-anak sa paligid niya.
Kinabukasan, pagkagaling ko ng skul. Nakita kong medyo madami nang tao sa burol, at maraming bagong mukha. Mga taga-Maynila siguro. Dumating na sila, sa wakas may mga kasama na si Ate Merle. Kawawa naman kasi siya, nag-iisa lang siya. Hinintay kong umuwi ang aking mga magulang upang may kasama akong magpunta sa kabila. Dahil kahit malapit ako sa kanila, kina Ate Merle, hindi ko pa kilala ang mga bagong dating. At kadalasan, kapag nakita ako at walang ibang mautusan, inuutusan nila ako. Kaya ayoko magpakita habang maaga pa.
Mga alas-otso na ng gabi nang magpunta kami sa burol. Naiwan na naman ang Daddy, kami lang nang Mama ang nagpunta. Pagdating duon ay sinalubong kami nina Ate Hele at Ate Bok. Nagkumustuhan, umiyak sila sa Mama, habang nakatigin lang ako sa gilid. Pagkatapos ng balitaan, saka lang nila nahalata na katabi pala ako ng Mama, saka nila ako pinansin. Malaki na raw ako, dalaga na raw ako, at gumaganda daw ako. Nakangiti naman ako sa mga sinabi nila, pakiramdam ko ay lilipad ang mga paa ko kapag inutusan nila ako nong mga oras na iyon, pumapalakpak ang tenga ko. Saka nila naalala, darating daw bukas si Pogi. Saka nila ako tinukso, kumunot naman ang noo ko, itinatago ang excitement ko sa katawan. Dahil sa totoo lang, inaasahan ko nang darating nga si Pogi.
Si Pogi ay pamangkin ng Ninang. Nagbabakasyon siya palagi sa amin kaya naging magkababata kami. Siya lang ang kalaro ko nuon dahil walang ibang mga bata sa “subdivision” namin. (Subdivision ang tawag ko dahil limang bahay lang ang nakatayo sa kalye namin. Bakanteng lote na kasing lawak ng isang ektarya ang nasa harapan at likuran ng bawat bahay, at sa tatlong bahay kasama na yung sa amin ay may fishpond). Ako na lang bata sa kalye namin dahil nag-aaral na sa elementarya at hayskul ang mga kapatid ko at ang mga anak ng mga kapitbahay namin. Kaya sa buong araw, kami lang ni Pogi ang magkasama. Minsan naglalaro kami ng bahay- bahayan, natural siya ang daddy ako ang mommy. Ang bahay namin ay yung maliit na desk sa bahay ng Ninang. Nakita kami ng Ninong nuon na nagtatago sa desk, na kunyari ay bahay namin, niloko niya kami, ang sabi ng Ninong,
“O sige nga, kung talagang mag-asawa kayo, kiss mo nga siya.”
Para namang uto-uto na hinalikan ako sa pisngi ni Pogi – dun ko naranasan ang aking first kiss – limang taong gulang, sa ilalim ng desk, habang humahagikgik sa tawa ang Ninong ko.
Ilang taon din kaming naging magkalaro ni Pogi, tuwing wala nang pasok ay nagbabakasyon siya sa amin hanggang umabot ako ng grade two. Hindi ko alam kung anong grado na siya sa Maynila basta mas matanda siya sa akin marahil nang 2 taon. Isang hapon habang kami’y parang mga asong kalye na palakad lakad at tumatambay sa ilalim ng mga puno. Nakaisip siya ng isang ideya nang makita niya ang isang kumpol ng mga winalis na tuyong dahon. Sabi niya,
“Sunugin natin!”
“Ayoko, magagalit si Mama.”
“Bakit naman?”
“Bawal maglaro ng apoy ang bata.”
“Hindi naman tayo maglalaro. Kapag naglaro ka ng apoy magkakaroon ka ng powers.”
“Anong powers?”
“Makokontrol mo ang pagsiklab at pagliit ng apoy!”
“Ows?”
“OO pramis! Ginawa ko na yun dati.”
“Hapon na, bawal magsiga pag hapon na.”
“Mas okay nga pag hapon eh, mawawala ang mga bad spirits.”
“Anong bad spirits?”
“Sige ka dadalawin ka nila mamayang gabi kapag hindi ka nag-siga.”
“Ha?”
“Halika na, kukunin ko yung lighter ni Tita.”
Dahil tinakot niya akong dadalawin ako ng mga multo ay pumayag na ako sa kagustuhan niya. Para akong asong bumubuntot sa kanya. Hanggang sa masindihan na niya ang mga tuyong dahon. Hindi namin napansin na ang isang kumpol ng mga tuyong dahon ay nakakunekta pala sa isa pang kumpol, at sa isa pang kumpol, at sa isa pang kumpol ng mga tuyong dahon. Lumaki ngayon ang apoy, natakot ako. Samantalang si Pogi ay tuwang-tuwang pinagmamasdan ang malaking apoy. Hindi ko alam (hanggang ngayon) kung anong nangyari, natabig ko siya at nahulog siya sa apoy. Hindi ako makagalaw nang makita ko siyang umiiyak at sumisigaw. Hangos na dumating naman ang Ninang at ang kasama namin sa bahay nuon. Pinagalitan ako ng Ninang, hindi daw kami dapat naglalaro ng apoy, at hindi ko raw dapat siya itinulak. Hindi ako umiyak nuon habang pinapagalitan ako ng Ninang, ang alam ko hindi ko siya itinulak. Basta nadulas yata siya o natabig ko, basta hindi ko siya itinulak.
Dinala sa Ospital si Pogi. Hindi na kami nagkita pagkatapos nang bakasyon na yun. Hindi ko na alam kung anong nangyari sa kanya. Nagpatuloy naman ako sa buhay ko. Hindi ko na naalala kung anong mga nangyari nuon. Hanggang sa umuwi ulit siya nung nasa ika-limang grado na ako. Tinatawag ako nuon ng Ninang dahil umuwi nga daw si Pogi, maglaro daw kami ulit. Maglaro? Ewan ko pero nahihiya na ako nuon sa kanya. Hindi na tulad ng dati ang pagkakaibigan namin. Lalo nang makita ko ang kanyang kaliwang braso, may mahaba at malaki siyang peklat sa kaliwang braso. Parang yung braso ni Robin Padilla sa patalastas, nasunog ko nga pala ang kanyang kaliwang braso nang “aksidenteng” mahulog siya sa apoy noong mga bata pa kami. Marahil dahil binata na siya nuon, wala na rin siyang ganang makipaglaro sa akin, mas gusto niyang tumambay kasama ang ibang mga batang lalake at maglaro ng basketbol. Hindi ko na siya pinuntahan. Pero sa tingin pa rin ng pamilya ko, at ng mga kamag-anak niya, childhood sweethearts pa rin kami.
Ikatlong araw ng burol, walang pasok kasi Sabado. Nakasanayan na ng katawan ko na kapag walang pupuntahan ay tatanghiliin talaga ako sa kama kapag walang nang-gising sa akin. Kaya pagdungaw ko sa balkon upang silipin ang burol, maraming mga bagong mukha ang tumambad sa akin. Tinanong ko si Mama, dumating na nga raw sina Pogi kaninang madaling araw. Kasama si Enchong, ang kuya niya at iba pa niyang mga pinsan. Excited naman akong naligo at nagbihis dahil kahit papaano ay may kaunting pananabik akong makita siyang muli. Iniisip kong baka ngayon pwede na kaming maging mag-kaibigan ulit. O maging higit pa dun.
Medyo hapon na nang dinaanan ng mga kaibigan niya ang Mama para pumunta sa lamay. Hindi kasi sila makapunta ng diretso nang wala ang Mama dahil hindi sila gaanong close sa pamilya ng Ninang. Pakiramdam nila ay hindi sila aasikasuhin, kailangan nila ng padrino sa pagpunta. Lamay na nga lang kailangan pa ng padrino. Pagdating sa lamay, hindi ako umaalis sa tabi ng Mama, kain lang ako ng kendi at pinapanood silang nagmamajong. Saka ako tinawag ni Ate Bok.
“Neneng, halika.”
Pinuntahan ko si Ate Bok. Nasa tabi niya ang pinakamagandang babaeng nakita ko sa tanang buhay ko. Maputi, mahaba na medyo kulay brown ang buhok, mapula ang mga pisngi, at nakangiti sa akin. Ipinakilala ako ni Ate Bok bilang si Neneng, nahiya naman ako.
“Hindi na po Neneng ang pangalan ko, Ate. Imee na po.”
Tumawa si Ate Bok, tumawa rin ang babae. Hindi ko talaga matanggal ang tingin ko sa kanya. Para siyang anghel sa puti. Ngayon lang kasi ako nakakita ng ganong kaputing tao. At sa mga mata niya, makikita mo ang asul na kalangitan. Ipinakilala ni Ate Bok ang babae, “Siya si Suzette, tita ni Pogi. Siya naman si Imee, childhood sweetheart ni Pogi.” Sabay halakhak silang dalawa na nakadagdag sa inis at hiya ko. Kinausap ako ni Ate Suzette, “Ikaw pala ang unang gerlpren ni Pogi ah.”
“Hindi ah!”
“Paano yan, ponget na si Pogi ngayon. Hindi na siya cute.”
Tumawa ako. Ponget na si Pogi. Nakita ni Ate Bok si Pogi saka niya ito kinawayan upang lumapit. Lumapit naman ito, nagtaka ako, ponget na nga siya. Ang inakala kong Pogi ay si Enchong pala, ang kuya niya. Si Enchong ngayon ang mas may itsura kaysa kay Pogi.
“Hoy ponget, halika dito, andito si Neneng oh!”, ang tawag ni Ate Bok.
Nakipagtawanan ako sa kanila. Nginitian lang ako ni Ponget, ngumiti lang din ako ng bahagya. Nawala ang excitement kong makita siyang muli, nawala ang pagnanais kong sana maging magkaibigan kami muli. Nawala ang pagnanais ko na sana maging higit pa kami sa magkaibigan. Muntik na akong maduwal, arrghh! Ano ba ang mga iniisip ko.
Natuon ngayon ang atensiyon ko kay Ate Suzette. Gusto ko siyang makilala. Gusto kong malaman kung saan siya nanggaling, anong mga paborito niya, anong kinakain niya, kung mabait ba siya, kung saan siya nakatira, at bakit ang puti-puti niya.
Sa kabuuan ng gabi ay pinipilit kaming pag-usapin ni Ponget. Hindi ko siya tinitignan, simpleng kamustahan lang. Hindi na rin ako na-guilty nung nakita ko ang ala Robin Padilla niyang pilat sa kaliwang braso. Pinanindigan ko sa aking sarili na wala akong kasalanan sa nangyari. Siya ang nahulog, siya ang nasunog, siya ang tanga. Sinubukan niya akong kausapin nang higit pa sa “Hi” at “Hello”, pero hindi ko siya naririnig. Pinapanood ko si Ate Suzette habang pilit na nagpapansin sa kanya si Maricris, ang resident tomboy ng bayan namin. Natatawa ako tuwing nagtatago si Ate Suzette sa kanya tapos lalabas si Maricris tinanong ang lahat ng tao kung nakita daw ba nila si Ate Suzette. Mayroon namang mga asar na sinasabing umuwi na raw ng Maynila, kaya umuwi na rin siya sa bahay nila. Nagtatawanan na lang ang mga tao sa ginagawang kabalbalan ni Maricris. Para ngang wala kami sa lamay kung magtawanan sila.
Kinaumagahan, may mga balitang kumakalat na tungkol kay Ate Suzette. Dumalaw sa bahay namin at nakipagkwentuhan sa Mama ang mga bading na kapitbahay namin. Dala dala nila ang ilang mga tsismis na nakalap nila tungkol kay Ate Suzette. Drug addict daw siya dati, at palipat-lipat ng lalake, kabit daw siya, pakawalang babae, at yung 3 years old na batang lalake na ipinapakilala niyang pamangkin ay anak niya talaga. Gusto kong tahiin ang bibig ng mga bading na ito, gusto ko silang palayasin. Ang ganda ganda ng umaga binibwisit nila sa pamamagitan ng pagkakalat ng tsismis tungkol kay Ate Suzette. Si Ate Suzette na walang kaalam-alam na pinagpyepyestahan na siya ng tsismis sa bayan namin. Marahil, katulad ko rin silang nagulat sa kanyang ganda, sa kanyang pagkatao kung kaya’t gumagawa sila ng mga kwento upang hindi nila maramdaman na iba si Ate Suzette sa kanila, hindi nila maramdaman na mas nangingibabaw si Ate Suzette sa kanila. Ayaw na nila siyang kilalanin, ayaw nilang masapawan. Ayaw nilang matalo. Pero iba ako, gusto ko siyang makilala. Gusto kong makilala kung sino ang katauhan sa likod ng kagandahang bumibihag sa lahat ng tao sa bayan namin.
Kinagabihan, nagpunta ulit kami ng lamay. Sa unang pagkakataon, sinilip ko ang Ninang sa loob ng kabaong. Nakakunot ang noo niya, parang hirap na hirap siya, maitim ang gilid ng kanyang mga mata. Hindi natakpan ng make-up ang kanyang mga pekas sa mukha at leeg. Hindi rin ayos ang kanyang maikling buhok, nilagyan lang ito ng clip para hindi pumunta sa kanyang mukha. Naawa ako sa Ninang, mabait siya sa akin, kahit never niya ako binigyan ng regalo, ninang ko pa rin siya at sa mata ng Diyos ay pangalawang nanay ko siya, o basta parang ganun na rin. Naisip ko na kapag namatay ako, gusto ko sponsored ng Maybelline ang make-up ko, ayusin ni Fanny Serrano ang buhok ko, gawa ni Inno Sotto ang gown ko, at Anais Anais ang pabango ko. Tapos may banner ako sa labas na may picture ako, tapos lalagyan nila lahat ng white roses, ayoko ng korona ng patay, gusto ko naka-boquet lahat. Nangingiti ako sa mga naiisip ko, hindi ko alam, kanina pa pala ako pinagmamasdan ni Ate Suzette.
Nakaupo siya sa hagdanan, halatang nagtatago sa mga tao. Ayaw niyang magpakita sa labas. Tinawag niya ako umupo ako sa tabi niya. Naka-shorts siya ng maikli at nakatali ang mahaba niyang buhok. Sa malapitan ko lang napansin na marami pala siyang pekas sa leeg, marahil dahil nga siguro mistisa. Pakiramdam ko ako na ang pinakamaswerteng tao sa lamay na iyon (maliban sa Ninang ko) dahil pinili akong kausapin ni Ate Suzette.
Hinawakan niya ang mahaba kong buhok, saka niya ito nilaro-laro na parang tinitirintas. Saka niya ako tinanong.
“Ang ganda naman ng buhok mo... nag-brace ka ba dati?”
“Hindi po.”
“Maganda ngipin mo, alagaan mo yan. Crowning glory ng babae ang smile niya.”
Tumango lang ako.
“Tinuturuan ba kayong mag-Tagalog sa skul niyo?”
“Hindi po, bakit?”
“Buti marunong kang mag-Tagalog?”
Nainis akong konti. Insulto yun ah. “Hindi naman po kami mga taong bundok.”
Natawa siya. Marahil na-realize niya ang pagkawalang kwenta ng tanong niya.
“Ilang taon ka na?”
“”15 po.”
“Bata ka pa nga. 27 na ako eh.”
“Hindi po kayo mukhang matanda.”
“Naku, ang dami ko nang experience na higit pa sa edad ko.”
“Ano yun?”
“Alam mo dati, nung bata pa ako, naglayas ako sa amin. Galit ako sa mga magulang ko noon. Nalulong ako sa bisyo. Sa barkada… Naninigarilyo ka ba?
“Hindi po!”
“Tama yan. Huwag na huwag mong subukan, huwag mo kong tutularan. Nag-umpisa lang nuon sa subok subok, hanggang sa hinahanap hanap ko na.”
“Ang alin?”
“Natuto na akong mag-drugs. Kung ano ano ang ginawa ko nuon para lang may pambili ako ng drugs. Naranasan ko pa ngang matulog sa Luneta eh. Alam mo ba iyon? Luneta?”
Napika na naman ako. Iniisip niya talagang wala akong alam. Tingin niya talaga sa akin ay isang probinsiyanang walang alam sa mundo. Pero okay lang, kaya kong palampasin ang insultong hindi naman niya sinasadya, basta magkausap lang kami.
“Opo, alam ko kung ano ang Luneta.”
“Ang galing mo naman.”
Pinigilan ko na lang ang galit ko sa pamamagitan ng pag-ngiti. Hindi niya napansin ang ginagawa kong pagpigil sa sarili ko. Sige pa rin siya sa pagkukuwento.
“Me boyfriend ka na ba?”
Umiling lang ako.
“Huwag ka munang magbo-boyfriend. Tapusin mo muna ang paga-aral mo. Ako hindi ko na natapos ang highschool. Anong year mo na?”
“Third year.”
“Tama yan, huwag ka munang magboyfriend. Ako 16 ako unang nagboyfriend. Kaya heto ngayon, pagsisihan ko man hindi ko na maibabalik. Pero alam mo, sa kabila ng lahat ng nangyari sa akin, tinanggap ko ng buong buo ang lahat ng mga kaparusahan ko.”
“bakit?”
“Dahil kapag may ginawa kang kasalanan, bumalik ka lang sa Diyos, at humingi ka ng patawad. Patatawarin ka Niya.”
“Ha?”
“Akala ko nuon hindi na ako makakabangon. Pero mula nang maging Born Again ako, nahanap ko ang pagbabago. Wala akong pakialam sa mga sinasabi ng mga tao, ang mahalaga sa akin ay mabago ko ang sarili ko para sa Diyos. Hindi para kaninong poncio pilato na pakiramdam niya ay hulog siya ng langit sa mga kababaihan!”
“Sino po?”
Nalito na ako. Hindi ko na masundan ang mga pinagsasabi niya. Alam ko pinagsasabihan niya ako pero hindi ko naman gagawin ang mga ginawa niya. Nakuntento na lang ako sa pagtingin sa kanyang magandang mukha.
“Basta maniwala ka sa Kanya. Hindi ka Niya pababayaan tulad ng ginawa Niya sa akin. Mahal tayo ng Diyos. Basta lahat ng gagawin mo ialay mo sa Kanya.Tignan mo, magiging mabuti ang takbo ng lahat para sa iyo.”
“Alam ko naman po iyo. Nagsisimba naman po ako palagi. Tsaka marami pa akong gustong gawin sa buhay ko, marami pa akong pangarap.”
Hindi siya sumagot. Malungkot siyang ngumiti. Pinatalikod niya ako saka tinanggal ang tinirintas niyang buhok ko, inumpisahan niyang tirintasin itong muli. Saka siya nagsalita.
“Tama yan.Abutin mo ang mga pangarap mo.”
Tumigil siya sa pagtirintas sa aking buhok. Nilingon ko siya, nakayuko lamang siya hawak pa rin ang buhok ko, kaya hindi ako lubusang nakalingon dahil nasasabunutan ako. Tumutulo ang mga luha niya. Binitawan na niya ang buhok ko, hinayaan kong malaglag muna ito at hindi ko inayos kahit mukha akong bruhang kulot ang buhok, dahil umiiyak siya. Umiiyak si Ate Suzette. Tinapik ko siya sa tuhod. Hinimas himas ko ang likod niya. Pilit ko siyang pinapatahan. Ayoko siyang umiyak, kahit na hindi ko alam kung bakit. Dahil kaya kay Ninang? O sa mga nasabi ko? Kahit ano pa mang dahilan ayoko siyang nakikitang umiiyak, naiiyak na rin kasi ako. Ayokong umiyak.
Niyakap niya ako, hindi paharap na tulad ng sa magkaibigan. Kundi niyakap niya akong parang sa isang ina sa anak. Yapos niya ang aking ulo, nakadagan ang baba niya sa tuktok ng ulo ko. Hindi ko alintana ang bigat ng baba niya at tumutulo niyang luha, hinayaan ko siya. Niyakap ko rin ang kanyang baywang. Ang aking maikling braso ay nakayakap sa kanyang baywang. Bumubundol sa mukha ko ang kanyang malaking hinaharap, pinilit kong igilid ang aking mukha upang makahinga ako nang hindi nai-istorbo ang kanyang pag-iyak. Ayokong magbigay ng dahilan upang bitawan niya ako. Dahil kahit nahihirapan ako, natutuwa ako.
TO BE CONTINUED...
Labels home run, Short Story



