02 May 2007

Ninang (Part 1)



Nagising ako isang umaga na walang tao sa bahay namin. Nasa ikatlong taon ako ng hayskul noon, at nasanay ako na ang sigaw ng Mama ang alarm clock para maligo na at magbihis papuntang skul. Isang oras pa kasi ang byahe sa jip na kung minamalas ay punuan pa, at sa upuang kahoy na nilalagay pahalang sa dulong bahagi ng jipney at nagsisilbing upuan ng mga babaeng excess ako makakaupo, samantalang nakasabit na ang mga lalake sa labas at yung iba ay kumportable nang nakaupo sa bubungan ng jip.

Lumabas ako ng kwarto at nagulat talaga ako dahil tahimik na tahimik. Pero nakita ko pa sa sala ang school bag ng Mama ko. Ito yaong lagayan niya ng mga libro at lesson plan. Ito yaong bag na binubuhat ng mga pupils niya pauwi galing skul dahil gusto nilang magsipsip sa grade four teacher nila. Hindi umaalis ang Mama nang hindi dala ang bag. Lumabas ako ng bahay at nakita ko sa garden si Stay Out. Si Stay Out ang kasama namin mula alas-sais ng umaga hanggang alas-sais ng hapon, hindi siya natutulog sa bahay kaya ang tawag sa kanya stay out.

“Manang, nasan si Mama? Umalis na?”
“isinugod si Aling Ester sa hospital, tinawag ni Merle kanina.”
“Bakit anong nangyari?”
“Inatake ng asthma. Ako pa nga tumawag ng ambulansiya eh.”

Chain smoker kasi si Aling Ester, ang balita ko isang pakete ng Phillip Morris sa isang araw ang nauubos niya, o kaya ay higit pa. Ninong at ninang ko silang mag-asawa, pero sa naaalala ko, wala akong regalong natatanggap tuwing pasko o kahit birthday mula sa kanila. Hindi naman sa naghahanap ako ng regalo, natural lang naman sa bata ang umasang bibigyan ng regalo ng kanyang mga ninong at ninang.

Ang Ninong, ang asawa ni ninang ester ay nauna na sa hukay dalawang taon na ang nakakalipas. Inatake sa puso. Ang sabi ng iba karma daw. Treasurer kasi siya sa munisipyo namin. Kaya ang tsismis, ibinubulsa niya ang kaban ng yaman, at siya nitong ginagamit sa pambababae niya. May tisismis pa nga na naging kabit niya ang kapitbahay naming byuda. Pero nahihiwagaan pa rin ako kasi pakiramdam ko totoo yun, dahil tuwing magsasalubong ng landas ang mga anak ng byuda naming kapitbahay at mga anak naman ng ninong ko (napapagitnaan kasi ang bahay namin), nagsisigawan at nagbabatuhan sila. Kapana-panabik kapag may mga tagpong ganoon sa tapat namin dahil natutuwa ako, mahilig ako sa aksyon noon. Gustong gusto ko ng mga kung fu, yung mga kickboxers (american kickboxers, van damme – idol ko si van "damned" nuon. Nuon yun.) Saka ko tinatanong ang Mama bakit sila nag-aaway eh ang paniwala ko dapat nagmamahalan ang mga magkakapitbahay. Eh masyado nga daw "luv" ng ninong ang kapitbahay naming byuda.

May asthma nga ang ninang, kahit anong oras ay maririnig mo siyang ubo ng ubo, pero madalas ko rin siyang nakikitang naninigarilyo. Kung minsan nga, kapag wala siyang mautusang bata ay sumisigaw siya bakod na alambre tinatawag ako, nagpapabili ng Phillip Morris. Bibigyan niya ako ng kinse, dose pa yata ang isang pakete nuon, akin ang barya, bale meron akong tatlong piso tuwing inuutusan niya ako. Kaya okay lang naman sa kin kahit ober da bakod siya mag-utos.

Pumasok akong skul nang araw na iyon. Panandalian kong nakalimutan na isinugod sa ospital ang ninang. Pag-uwi ko ng alas-singko ng hapon, may lona na sa tapat ng bahay nila, nakaburol na ang ninang. Natuluyan na. Naabutan ko pa si Stay Out na nagluluto ng hapunan namin. Pagkatapos ng ilang minuto ay dumating na rin ang mga magulang ko galing skul. Nag-half day na lang ang mama, ang daddy naman ay pumasok pa rin sa skul, Principal kasi kaya hindi pwede umabsent. Nagbihis ako ng pambahay, humilata naman sa “butaka” tulad ng kinagawian ang mga magulang ko. Saka ko sila inusisa pagbaba ko.

“Ma, anong nangyari sa kabila?”
“Namatay na.”
“Alam ko. Anong oras?”
“Kaninang umaga. Sumisigaw si Merle humihingi ng tulong hindi na raw humihinga si Ester.”

Sa pagkakataong yun, sumabat na ang Daddy.

“Bakit daw?”
“Asthma”, ang sagot ng Mama. “Natuluyan na. Sabi ni Merle, kaninang madaling araw pa raw siya ubo ng ubo.”
“Bakit hindi pa niya itinakbo agad?” ang sabat ko naman.
“Ewan. Tanungin mo siya mamaya pag punta natin sa kabila”, sagot ng Mama.

Hindi mahilig sumagot ng tanong ang Mama, lalo na pag galing sa akin na ang tanging layunin ko lang naman ay maki-usyoso. Bata pa ang tingin nila sa akin at wala pa akong muwang kung anong nangyayari sa paligid ko. Pero kapag ibang tao ang nagtatanong, sige naman sa pagkukuwento ang Mama.

Bago pumunta ang mga co-teachers ng Mama sa burol ay dumaan muna sila sa bahay. Natural nagtanong sila kung anong nangyari, sige naman sa kwento ang Mama. Nakinig na lang ako dahil gusto ko rin malaman kung ano talaga ang mga pangyayari.

Humingi daw ng tulong si Ate Merle mga bandang 6:30 kaninang umaga, takbo naman daw ang Mama at si Stay Out. Umalis kasi ng maaga Daddy at dala yung Owner Jeep kaya inutusan ng Mama si Stay Out na pumunta sa Health Center at hiramin ang Ambulansiya. Pagdating ng ambulansiya sa bahay nina Ninang Ester, iyak na ng iyak si Ate Merle, kasi parang hindi na talaga humihinga si Ninang Ester. Habang papunta daw sa Ospital, nakapwesto kasi ang Mama sa may paanan ng stretcher, may nakita raw siyang tumutulo. Nang tinignan daw niyang maiigi kung bakit nababasa ang sahig ng ambulansiya, galing daw sa stretcher. Saka daw niya na-realize nang oras na iyon na patay na ang Ninang Ester kasi umihi na siya. Wala nang kontrol sa katawan kaya naihi na. Tinignan daw niya si Ate Merle, hindi na lang daw niya sinabi hinintay na lang niya na makarating sila sa Ospital at ang Ospital na ang magsasabi kung patay na nga ang Ninang Ester.

Tumango-tango ang mga co-teacher ng Mama. Saka sila nagdebate sa masamang dulot ng sigarilyo sa katawan. Hindi na ako nakinig. Lumabas ako ng balkonahe at pinanood ko ang paglalagay nila ng ilaw sa mga tolda at paga-ayos nila ng mga upuan at mesa para sa mga dadalaw sa burol. At sa mga magsusugal. Magdamagang “tong-its” at mahjong ang katapat nito kapag may burol.

Pagkatapos ng hapunan ay pumunta na kami sa kabilang bahay. Hindi na sumama ang Daddy dahil walang kasama ang Lola, umalis na kasi si Stay Out. Kaya kami na lang ng Mama ang pumunta, kasama ang mga co-teachers niya. Konti lang ang tao sa burol. Siguro dahil hindi pa alam ng mga tao na namatay na ang Ninang Ester, pero sabi ng Mama, wala silang masyadong kaibigan sa bayan namin. Hindi rin kasi sila dumadalaw sa burol ng mga ibang namamatayan kaya konti lang din ang dadalaw sa kanya ngayon. Kumbaga, hindi sila pala-kaibigan. Kung may dadalaw man, gusto lang nila ng lugar na pagsusugalan. Wala pa rin silang gaanong mga kamag-anak.Lima ang anak ng Ninang , nakasunod sa pangalan ng ninong ang mga unang letra na kanilang mga pangalan. A-M-A-D-O (Anghelita, Merlita, Amelita, Dalisay, Orlando). Apat na babae, bunsong lalake, pero bata pa nang mamatay si Orlando, hindi ko na nga siya nakilala, sa pictures ko na lang siya nakita. Si Ate Merle lang ang nasa bayan namin ngayon, nasa ibang bayan si Ate Hele, nasa Maynila si Ate Bok, nasa Canada si Ate Dalisay. At ang kanilang mga kamag-anak ay halos nasa ibang bayan din lahat. Kaya malamang, kinabukasan pa sila makakarating lahat o sa makalawang araw. Si Ate Dalisay ay hindi makakauwi, kapapanganak lang daw niya sa Canada, hindi pa siya pwede bumiyahe at ayaw siya payagan ng asawa niya. Tumawag na lang siya kay Ate Merle, umiiyak.

Hatinggabi na nang sinundo kami ng Daddy. Pinauwi na niya ako dahil may pasok pa ako kinabukasan at dahil iniwan niyang nag-iisa ang tulog ko nang Lola. Marahil hanggang umaga silang nakipaglamay kina Ate Merle, dahil ang mga magulang ko lang ang matatakbuhan ni Ate Merle, dahil wala siyang mga kamag-anak sa paligid niya.

Kinabukasan, pagkagaling ko ng skul. Nakita kong medyo madami nang tao sa burol, at maraming bagong mukha. Mga taga-Maynila siguro. Dumating na sila, sa wakas may mga kasama na si Ate Merle. Kawawa naman kasi siya, nag-iisa lang siya. Hinintay kong umuwi ang aking mga magulang upang may kasama akong magpunta sa kabila. Dahil kahit malapit ako sa kanila, kina Ate Merle, hindi ko pa kilala ang mga bagong dating. At kadalasan, kapag nakita ako at walang ibang mautusan, inuutusan nila ako. Kaya ayoko magpakita habang maaga pa.

Mga alas-otso na ng gabi nang magpunta kami sa burol. Naiwan na naman ang Daddy, kami lang nang Mama ang nagpunta. Pagdating duon ay sinalubong kami nina Ate Hele at Ate Bok. Nagkumustuhan, umiyak sila sa Mama, habang nakatigin lang ako sa gilid. Pagkatapos ng balitaan, saka lang nila nahalata na katabi pala ako ng Mama, saka nila ako pinansin. Malaki na raw ako, dalaga na raw ako, at gumaganda daw ako. Nakangiti naman ako sa mga sinabi nila, pakiramdam ko ay lilipad ang mga paa ko kapag inutusan nila ako nong mga oras na iyon, pumapalakpak ang tenga ko. Saka nila naalala, darating daw bukas si Pogi. Saka nila ako tinukso, kumunot naman ang noo ko, itinatago ang excitement ko sa katawan. Dahil sa totoo lang, inaasahan ko nang darating nga si Pogi.

Si Pogi ay pamangkin ng Ninang. Nagbabakasyon siya palagi sa amin kaya naging magkababata kami. Siya lang ang kalaro ko nuon dahil walang ibang mga bata sa “subdivision” namin. (Subdivision ang tawag ko dahil limang bahay lang ang nakatayo sa kalye namin. Bakanteng lote na kasing lawak ng isang ektarya ang nasa harapan at likuran ng bawat bahay, at sa tatlong bahay kasama na yung sa amin ay may fishpond). Ako na lang bata sa kalye namin dahil nag-aaral na sa elementarya at hayskul ang mga kapatid ko at ang mga anak ng mga kapitbahay namin. Kaya sa buong araw, kami lang ni Pogi ang magkasama. Minsan naglalaro kami ng bahay- bahayan, natural siya ang daddy ako ang mommy. Ang bahay namin ay yung maliit na desk sa bahay ng Ninang. Nakita kami ng Ninong nuon na nagtatago sa desk, na kunyari ay bahay namin, niloko niya kami, ang sabi ng Ninong,
“O sige nga, kung talagang mag-asawa kayo, kiss mo nga siya.”
Para namang uto-uto na hinalikan ako sa pisngi ni Pogi – dun ko naranasan ang aking first kiss – limang taong gulang, sa ilalim ng desk, habang humahagikgik sa tawa ang Ninong ko.

Ilang taon din kaming naging magkalaro ni Pogi, tuwing wala nang pasok ay nagbabakasyon siya sa amin hanggang umabot ako ng grade two. Hindi ko alam kung anong grado na siya sa Maynila basta mas matanda siya sa akin marahil nang 2 taon. Isang hapon habang kami’y parang mga asong kalye na palakad lakad at tumatambay sa ilalim ng mga puno. Nakaisip siya ng isang ideya nang makita niya ang isang kumpol ng mga winalis na tuyong dahon. Sabi niya,
“Sunugin natin!”
“Ayoko, magagalit si Mama.”
“Bakit naman?”
“Bawal maglaro ng apoy ang bata.”
“Hindi naman tayo maglalaro. Kapag naglaro ka ng apoy magkakaroon ka ng powers.”
“Anong powers?”
“Makokontrol mo ang pagsiklab at pagliit ng apoy!”
“Ows?”
“OO pramis! Ginawa ko na yun dati.”
“Hapon na, bawal magsiga pag hapon na.”
“Mas okay nga pag hapon eh, mawawala ang mga bad spirits.”
“Anong bad spirits?”
“Sige ka dadalawin ka nila mamayang gabi kapag hindi ka nag-siga.”
“Ha?”
“Halika na, kukunin ko yung lighter ni Tita.”

Dahil tinakot niya akong dadalawin ako ng mga multo ay pumayag na ako sa kagustuhan niya. Para akong asong bumubuntot sa kanya. Hanggang sa masindihan na niya ang mga tuyong dahon. Hindi namin napansin na ang isang kumpol ng mga tuyong dahon ay nakakunekta pala sa isa pang kumpol, at sa isa pang kumpol, at sa isa pang kumpol ng mga tuyong dahon. Lumaki ngayon ang apoy, natakot ako. Samantalang si Pogi ay tuwang-tuwang pinagmamasdan ang malaking apoy. Hindi ko alam (hanggang ngayon) kung anong nangyari, natabig ko siya at nahulog siya sa apoy. Hindi ako makagalaw nang makita ko siyang umiiyak at sumisigaw. Hangos na dumating naman ang Ninang at ang kasama namin sa bahay nuon. Pinagalitan ako ng Ninang, hindi daw kami dapat naglalaro ng apoy, at hindi ko raw dapat siya itinulak. Hindi ako umiyak nuon habang pinapagalitan ako ng Ninang, ang alam ko hindi ko siya itinulak. Basta nadulas yata siya o natabig ko, basta hindi ko siya itinulak.

Dinala sa Ospital si Pogi. Hindi na kami nagkita pagkatapos nang bakasyon na yun. Hindi ko na alam kung anong nangyari sa kanya. Nagpatuloy naman ako sa buhay ko. Hindi ko na naalala kung anong mga nangyari nuon. Hanggang sa umuwi ulit siya nung nasa ika-limang grado na ako. Tinatawag ako nuon ng Ninang dahil umuwi nga daw si Pogi, maglaro daw kami ulit. Maglaro? Ewan ko pero nahihiya na ako nuon sa kanya. Hindi na tulad ng dati ang pagkakaibigan namin. Lalo nang makita ko ang kanyang kaliwang braso, may mahaba at malaki siyang peklat sa kaliwang braso. Parang yung braso ni Robin Padilla sa patalastas, nasunog ko nga pala ang kanyang kaliwang braso nang “aksidenteng” mahulog siya sa apoy noong mga bata pa kami. Marahil dahil binata na siya nuon, wala na rin siyang ganang makipaglaro sa akin, mas gusto niyang tumambay kasama ang ibang mga batang lalake at maglaro ng basketbol. Hindi ko na siya pinuntahan. Pero sa tingin pa rin ng pamilya ko, at ng mga kamag-anak niya, childhood sweethearts pa rin kami.

Ikatlong araw ng burol, walang pasok kasi Sabado. Nakasanayan na ng katawan ko na kapag walang pupuntahan ay tatanghiliin talaga ako sa kama kapag walang nang-gising sa akin. Kaya pagdungaw ko sa balkon upang silipin ang burol, maraming mga bagong mukha ang tumambad sa akin. Tinanong ko si Mama, dumating na nga raw sina Pogi kaninang madaling araw. Kasama si Enchong, ang kuya niya at iba pa niyang mga pinsan. Excited naman akong naligo at nagbihis dahil kahit papaano ay may kaunting pananabik akong makita siyang muli. Iniisip kong baka ngayon pwede na kaming maging mag-kaibigan ulit. O maging higit pa dun.

Medyo hapon na nang dinaanan ng mga kaibigan niya ang Mama para pumunta sa lamay. Hindi kasi sila makapunta ng diretso nang wala ang Mama dahil hindi sila gaanong close sa pamilya ng Ninang. Pakiramdam nila ay hindi sila aasikasuhin, kailangan nila ng padrino sa pagpunta. Lamay na nga lang kailangan pa ng padrino. Pagdating sa lamay, hindi ako umaalis sa tabi ng Mama, kain lang ako ng kendi at pinapanood silang nagmamajong. Saka ako tinawag ni Ate Bok.
“Neneng, halika.”
Pinuntahan ko si Ate Bok. Nasa tabi niya ang pinakamagandang babaeng nakita ko sa tanang buhay ko. Maputi, mahaba na medyo kulay brown ang buhok, mapula ang mga pisngi, at nakangiti sa akin. Ipinakilala ako ni Ate Bok bilang si Neneng, nahiya naman ako.
“Hindi na po Neneng ang pangalan ko, Ate. Imee na po.”
Tumawa si Ate Bok, tumawa rin ang babae. Hindi ko talaga matanggal ang tingin ko sa kanya. Para siyang anghel sa puti. Ngayon lang kasi ako nakakita ng ganong kaputing tao. At sa mga mata niya, makikita mo ang asul na kalangitan. Ipinakilala ni Ate Bok ang babae, “Siya si Suzette, tita ni Pogi. Siya naman si Imee, childhood sweetheart ni Pogi.” Sabay halakhak silang dalawa na nakadagdag sa inis at hiya ko. Kinausap ako ni Ate Suzette, “Ikaw pala ang unang gerlpren ni Pogi ah.”
“Hindi ah!”
“Paano yan, ponget na si Pogi ngayon. Hindi na siya cute.”
Tumawa ako. Ponget na si Pogi. Nakita ni Ate Bok si Pogi saka niya ito kinawayan upang lumapit. Lumapit naman ito, nagtaka ako, ponget na nga siya. Ang inakala kong Pogi ay si Enchong pala, ang kuya niya. Si Enchong ngayon ang mas may itsura kaysa kay Pogi.
“Hoy ponget, halika dito, andito si Neneng oh!”, ang tawag ni Ate Bok.
Nakipagtawanan ako sa kanila. Nginitian lang ako ni Ponget, ngumiti lang din ako ng bahagya. Nawala ang excitement kong makita siyang muli, nawala ang pagnanais kong sana maging magkaibigan kami muli. Nawala ang pagnanais ko na sana maging higit pa kami sa magkaibigan. Muntik na akong maduwal, arrghh! Ano ba ang mga iniisip ko.

Natuon ngayon ang atensiyon ko kay Ate Suzette. Gusto ko siyang makilala. Gusto kong malaman kung saan siya nanggaling, anong mga paborito niya, anong kinakain niya, kung mabait ba siya, kung saan siya nakatira, at bakit ang puti-puti niya.

Sa kabuuan ng gabi ay pinipilit kaming pag-usapin ni Ponget. Hindi ko siya tinitignan, simpleng kamustahan lang. Hindi na rin ako na-guilty nung nakita ko ang ala Robin Padilla niyang pilat sa kaliwang braso. Pinanindigan ko sa aking sarili na wala akong kasalanan sa nangyari. Siya ang nahulog, siya ang nasunog, siya ang tanga. Sinubukan niya akong kausapin nang higit pa sa “Hi” at “Hello”, pero hindi ko siya naririnig. Pinapanood ko si Ate Suzette habang pilit na nagpapansin sa kanya si Maricris, ang resident tomboy ng bayan namin. Natatawa ako tuwing nagtatago si Ate Suzette sa kanya tapos lalabas si Maricris tinanong ang lahat ng tao kung nakita daw ba nila si Ate Suzette. Mayroon namang mga asar na sinasabing umuwi na raw ng Maynila, kaya umuwi na rin siya sa bahay nila. Nagtatawanan na lang ang mga tao sa ginagawang kabalbalan ni Maricris. Para ngang wala kami sa lamay kung magtawanan sila.

Kinaumagahan, may mga balitang kumakalat na tungkol kay Ate Suzette. Dumalaw sa bahay namin at nakipagkwentuhan sa Mama ang mga bading na kapitbahay namin. Dala dala nila ang ilang mga tsismis na nakalap nila tungkol kay Ate Suzette. Drug addict daw siya dati, at palipat-lipat ng lalake, kabit daw siya, pakawalang babae, at yung 3 years old na batang lalake na ipinapakilala niyang pamangkin ay anak niya talaga. Gusto kong tahiin ang bibig ng mga bading na ito, gusto ko silang palayasin. Ang ganda ganda ng umaga binibwisit nila sa pamamagitan ng pagkakalat ng tsismis tungkol kay Ate Suzette. Si Ate Suzette na walang kaalam-alam na pinagpyepyestahan na siya ng tsismis sa bayan namin. Marahil, katulad ko rin silang nagulat sa kanyang ganda, sa kanyang pagkatao kung kaya’t gumagawa sila ng mga kwento upang hindi nila maramdaman na iba si Ate Suzette sa kanila, hindi nila maramdaman na mas nangingibabaw si Ate Suzette sa kanila. Ayaw na nila siyang kilalanin, ayaw nilang masapawan. Ayaw nilang matalo. Pero iba ako, gusto ko siyang makilala. Gusto kong makilala kung sino ang katauhan sa likod ng kagandahang bumibihag sa lahat ng tao sa bayan namin.

Kinagabihan, nagpunta ulit kami ng lamay. Sa unang pagkakataon, sinilip ko ang Ninang sa loob ng kabaong. Nakakunot ang noo niya, parang hirap na hirap siya, maitim ang gilid ng kanyang mga mata. Hindi natakpan ng make-up ang kanyang mga pekas sa mukha at leeg. Hindi rin ayos ang kanyang maikling buhok, nilagyan lang ito ng clip para hindi pumunta sa kanyang mukha. Naawa ako sa Ninang, mabait siya sa akin, kahit never niya ako binigyan ng regalo, ninang ko pa rin siya at sa mata ng Diyos ay pangalawang nanay ko siya, o basta parang ganun na rin. Naisip ko na kapag namatay ako, gusto ko sponsored ng Maybelline ang make-up ko, ayusin ni Fanny Serrano ang buhok ko, gawa ni Inno Sotto ang gown ko, at Anais Anais ang pabango ko. Tapos may banner ako sa labas na may picture ako, tapos lalagyan nila lahat ng white roses, ayoko ng korona ng patay, gusto ko naka-boquet lahat. Nangingiti ako sa mga naiisip ko, hindi ko alam, kanina pa pala ako pinagmamasdan ni Ate Suzette.

Nakaupo siya sa hagdanan, halatang nagtatago sa mga tao. Ayaw niyang magpakita sa labas. Tinawag niya ako umupo ako sa tabi niya. Naka-shorts siya ng maikli at nakatali ang mahaba niyang buhok. Sa malapitan ko lang napansin na marami pala siyang pekas sa leeg, marahil dahil nga siguro mistisa. Pakiramdam ko ako na ang pinakamaswerteng tao sa lamay na iyon (maliban sa Ninang ko) dahil pinili akong kausapin ni Ate Suzette.

Hinawakan niya ang mahaba kong buhok, saka niya ito nilaro-laro na parang tinitirintas. Saka niya ako tinanong.
“Ang ganda naman ng buhok mo... nag-brace ka ba dati?”
“Hindi po.”
“Maganda ngipin mo, alagaan mo yan. Crowning glory ng babae ang smile niya.”
Tumango lang ako.
“Tinuturuan ba kayong mag-Tagalog sa skul niyo?”
“Hindi po, bakit?”
“Buti marunong kang mag-Tagalog?”
Nainis akong konti. Insulto yun ah. “Hindi naman po kami mga taong bundok.”
Natawa siya. Marahil na-realize niya ang pagkawalang kwenta ng tanong niya.
“Ilang taon ka na?”
“”15 po.”
“Bata ka pa nga. 27 na ako eh.”
“Hindi po kayo mukhang matanda.”
“Naku, ang dami ko nang experience na higit pa sa edad ko.”
“Ano yun?”
“Alam mo dati, nung bata pa ako, naglayas ako sa amin. Galit ako sa mga magulang ko noon. Nalulong ako sa bisyo. Sa barkada… Naninigarilyo ka ba?
“Hindi po!”
“Tama yan. Huwag na huwag mong subukan, huwag mo kong tutularan. Nag-umpisa lang nuon sa subok subok, hanggang sa hinahanap hanap ko na.”
“Ang alin?”
“Natuto na akong mag-drugs. Kung ano ano ang ginawa ko nuon para lang may pambili ako ng drugs. Naranasan ko pa ngang matulog sa Luneta eh. Alam mo ba iyon? Luneta?”

Napika na naman ako. Iniisip niya talagang wala akong alam. Tingin niya talaga sa akin ay isang probinsiyanang walang alam sa mundo. Pero okay lang, kaya kong palampasin ang insultong hindi naman niya sinasadya, basta magkausap lang kami.

“Opo, alam ko kung ano ang Luneta.”
“Ang galing mo naman.”

Pinigilan ko na lang ang galit ko sa pamamagitan ng pag-ngiti. Hindi niya napansin ang ginagawa kong pagpigil sa sarili ko. Sige pa rin siya sa pagkukuwento.

“Me boyfriend ka na ba?”
Umiling lang ako.
“Huwag ka munang magbo-boyfriend. Tapusin mo muna ang paga-aral mo. Ako hindi ko na natapos ang highschool. Anong year mo na?”
“Third year.”
“Tama yan, huwag ka munang magboyfriend. Ako 16 ako unang nagboyfriend. Kaya heto ngayon, pagsisihan ko man hindi ko na maibabalik. Pero alam mo, sa kabila ng lahat ng nangyari sa akin, tinanggap ko ng buong buo ang lahat ng mga kaparusahan ko.”
“bakit?”
“Dahil kapag may ginawa kang kasalanan, bumalik ka lang sa Diyos, at humingi ka ng patawad. Patatawarin ka Niya.”
“Ha?”
“Akala ko nuon hindi na ako makakabangon. Pero mula nang maging Born Again ako, nahanap ko ang pagbabago. Wala akong pakialam sa mga sinasabi ng mga tao, ang mahalaga sa akin ay mabago ko ang sarili ko para sa Diyos. Hindi para kaninong poncio pilato na pakiramdam niya ay hulog siya ng langit sa mga kababaihan!”
“Sino po?”

Nalito na ako. Hindi ko na masundan ang mga pinagsasabi niya. Alam ko pinagsasabihan niya ako pero hindi ko naman gagawin ang mga ginawa niya. Nakuntento na lang ako sa pagtingin sa kanyang magandang mukha.

“Basta maniwala ka sa Kanya. Hindi ka Niya pababayaan tulad ng ginawa Niya sa akin. Mahal tayo ng Diyos. Basta lahat ng gagawin mo ialay mo sa Kanya.Tignan mo, magiging mabuti ang takbo ng lahat para sa iyo.”
“Alam ko naman po iyo. Nagsisimba naman po ako palagi. Tsaka marami pa akong gustong gawin sa buhay ko, marami pa akong pangarap.”

Hindi siya sumagot. Malungkot siyang ngumiti. Pinatalikod niya ako saka tinanggal ang tinirintas niyang buhok ko, inumpisahan niyang tirintasin itong muli. Saka siya nagsalita.

“Tama yan.Abutin mo ang mga pangarap mo.”

Tumigil siya sa pagtirintas sa aking buhok. Nilingon ko siya, nakayuko lamang siya hawak pa rin ang buhok ko, kaya hindi ako lubusang nakalingon dahil nasasabunutan ako. Tumutulo ang mga luha niya. Binitawan na niya ang buhok ko, hinayaan kong malaglag muna ito at hindi ko inayos kahit mukha akong bruhang kulot ang buhok, dahil umiiyak siya. Umiiyak si Ate Suzette. Tinapik ko siya sa tuhod. Hinimas himas ko ang likod niya. Pilit ko siyang pinapatahan. Ayoko siyang umiyak, kahit na hindi ko alam kung bakit. Dahil kaya kay Ninang? O sa mga nasabi ko? Kahit ano pa mang dahilan ayoko siyang nakikitang umiiyak, naiiyak na rin kasi ako. Ayokong umiyak.


Niyakap niya ako, hindi paharap na tulad ng sa magkaibigan. Kundi niyakap niya akong parang sa isang ina sa anak. Yapos niya ang aking ulo, nakadagan ang baba niya sa tuktok ng ulo ko. Hindi ko alintana ang bigat ng baba niya at tumutulo niyang luha, hinayaan ko siya. Niyakap ko rin ang kanyang baywang. Ang aking maikling braso ay nakayakap sa kanyang baywang. Bumubundol sa mukha ko ang kanyang malaking hinaharap, pinilit kong igilid ang aking mukha upang makahinga ako nang hindi nai-istorbo ang kanyang pag-iyak. Ayokong magbigay ng dahilan upang bitawan niya ako. Dahil kahit nahihirapan ako, natutuwa ako.


TO BE CONTINUED...



0 Comments:

Post a Comment



Template by:
Free Blog Templates