03 May 2007
Kaya nga nun nagkolehiyo ako, isang taon mula nang makilala ko siya. Tinanong ko agad ang aking mga kapatid kung nasaan ang Pasig. Sabi nila malayo daw yun, nakatira kasi kami nuon sa Sampaloc, malapit sa U-belt.Tinanong nila ako bakit ako nagtatanong, may pupuntahan daw ba ako sa Pasig? Wala naman daw kaming kakilala sa Pasig. Tumahimik na lang ako. Ayokong sabihin sa kanila na pupuntahan ko si Ate Suzette, hindi naman nila kasi siya kilalza. Hindi naman kasi sila umuwi nung namatay ang Ninang ko, kaya hindi nila ako maiintindihan.
Nung nasa kolehiyo na ako, sabik akong nakipagkilala sa mga bago kong kaklase. Tinanong ko sila kung saan sila nakatira. Karamihan mga taga-probinsiya rin silang katulad ko kaya nagbo-board lang sila sa malapit, umuuwi sila sa kani-kanilang probinsiya tuwing weekends. Nadismaya ako ng kaunti, hindi rin kasi nila alam kung nasaan ang Pasig. Nasa taft kasi ang kolehiyo namin, at wala akong makitang mga dyipni o kaya ay fx o bus na may karatulang Pasig. Kaya marahil nga, malayo nga yun. May nagsabi pa nga nuon na lugar ng mga iskwater yun. Nagulat ako, nagalit pa nga. Sabi ko hindi yun lugar ng mga iskwater, kasi may kaibigan akong nakatira duon. Hindi ko nga lang alam ang eksaktong address, pero nasa Pasig lang siya. Makalipas ang ilang buwan hindi ko pa rin alam kung nasaan ang Pasig, at kung paano pumunta dun. Takot din naman kasi akong magtanong-tanong kasi ayokong maloko, at ayokong mawala. Mahina ang loob ko pag nawawala ako. Lalo na kapag hindi kasya ang pera ko pang-taxi.
Dumating na ko sa puntong nakalimutan ko na ang layunin ko sa pagpunta sa Maynila, nakalimutan ko na ang Pasig. Pero tila isang guhit ng tadhana na itinakda talaga akong magpunta sa Pasig. May ipinapagawang research paper nuon ang aming guro, tungkol sa kasaysayan ng Maynila, ang kasaysayan ng ilog ng Pasig. Natural na nagpunta kami ng library upang maghanap ng mga detalye tungkol sa Pasig. Nagtanong tanong din kami kung san pa kami makakakuha ng mas maraming impormasyon. Nagpunta kaming National Library at kung saan saan pang mga open libraries.At sa wakas, nagpunta kami ng Pasig, upang kumuha ng larawan, mag-dokumento, mangalap ng impormasyon tungkol sa kaalaman ng mga tao hinggil sa kasaysayan ng bayan nila.
Iba ang nadatnan ko sa inaasahan ko. Ang iniisip kong Pasig ay parang sa bayan lang namin, ganun siya kaliit at hindi mahirap maghanap ng tao. Ang pinaka-worst na naisip kong sitwasyon ay parang sa Sampaloc, na tabi-tabi ang mga bahay at apartment. Pero inisip ko pa rin na mahahanap ko siya kasi kilala nga daw siya. Sobra akong tanga. Utak probinsiyana nga talaga ako. Dahil ang Pasig na napuntahan ko, iba sa mga napanaginipan ko.
Ikinuwento ko sa aking ka-grupo ang halaga ng Pasig sa akin. Sabi niya, bahagi lang ng pasig itong napuntahan namin. Nasa tabi kasi kami ng ilog Pasig nagtatanong. Kung saan kabit kabit ang mga bahay na gawa sa pinulot na GI, tagpi-tagping plywood, at pabigat na gulong ng sasakyan upang hindi maihangin. Nasa “iskwaters” area kami. Malaki naman daw ang Pasig, huwag daw akong mawalan ng pag-asa, mahahanap ko rin daw siya. Nabuhayan ako ng loob, at sa pangalawang balik namin sa lugar, napagtanto ko, maguumpisa na akong magtanong-tanong. Siguro naman kahit gaano kalaki ang Pasig mahahanap ko pa rin si Ate Suzette kasi nga kilala siya, model siya ng Ginebra Calendar, sikat siya. Natanggap ko na rin na okay lang kahit dun siya nakatira. Hindi na ako nandiri sa mga basurang nagkalat at sa mabahong amoy na galing sa kanilang mga palikuran na ang diretso ay ang ilog Pasig.
Pero ilang tao na ang natanong ko, wala silang kilalang Suzette. Ito pa ang masaklap, hindi ko alam kung anong apelyido niya. Hindi ko na natanong, hindi ko na tinanong. Sinubukan kong ipagtanong ang pangalan ni Pogi, ang totoong pangalan ni Pogi. Wala ding nakakakilala sa kanila. Marahil, hindi sila nakatira duon. Nasa mas magandang lugar sila nakatira, sa isang lugar na nababagay sa kanya.
Ilang taon na ang nakalipas at sa tuwing napapadaan o pumupunta ako ng Pasig, ipinagtatanong ko kung may kilala silang dating modelo ng Ginebra na nakatira sa lugar nila. Puro wala ang nakukuha kong sagot. Tuwing umuuwi din ako sa probinsiya namin, makailang beses na nangangati akong magtanong kay Ate Merle kung san ba talaga nakatira sina Ate Suzette. Pero ayokong gawin, iba ang iisipin nun. Iisipin nilang sinusundan ko si Pogi. Ayokong isipin nila yun. Nagtatayuan ang balahibo ko.
Isang araw, nakabakasyon ako sa probinsiya namin dahil Holy Week. Nang mapansin kong parang may handaan sa kabila. May mga bisita si Ate Merle. Tumambay ako sa balkonahe namin, pasilip-silip sa kabilang bahay, kunyari humihigop ng kape at nagi-isip. Nakita ko si Pogi na lumabas ng bahay nila, naka-bisikleta siya, may pupuntahan siguro. Natuwa ako, kinuha ko ang bike ng aking kuya at kunyari ay nagba-bike ako sa harapan ng bahay namin, sa kalye sa tapat ng bahay namin. Bumalik si Pogi, may dala-dalang supot na parang may laman na lata. Nakita niya ako at huminto siya sa tapat ko. Nginitian ko siya, kinumusta, tinapik ko pa nga siya sa balikat.
“Uy Neneng!”
“Nakabakasyon ka, sino kasama mo?”
“Sina Tita, matagal na kasi kaming hindi umuwi. Dalaw namin si Tita Merle.”
“Sinong Tita kasamo?”
“Sina Tita Bok.”
“Ahh.. sino pa?”
“Ako, si Benjo at pamilya ni Tita Bok.”
“Sino si Benjo?”
“Yung anak ni Tita Suzette.”
“Alin? Anjan ba si Ate Suzette?”
“Wala.”
“Bakit wala? Susunod ba siya?”
“Hindi ko alam. Kasi ano…”
“Ano?”
“Nagkaproblema kasi, basta. Dalaw ka na lang sa bahay tanungin mo si Tita Bok.”
“Ngii? Ayoko nga. Tsismosa?”
“HAHAH! Hindi basta, daan ka, halika kaya. Sama ka na sa kin.”
“Now na?”
“Hmm mmm. Kailangan ko na uwi ito eh.”
“Ano ba yan?”
“Gatas ng bata. Nung anak ni Tita Bok.”
“Ahh.”
“Ano halika na.”
“Saka na lang, basta daan na lang ako bigla.”
“Okay.”
“Sige!”
Umalis na si Pogi, pumasok na ng bakuran ng bahay nila, habang ako’y naka-istambay sa tapat ng bahay namin, pasilip-silip. Nagi-isip. Tama nga ang tsismis nuon. Anak nga ni Ate Suzette yung bata, marahil, totoo rin yung mga iba pang tsismis nuon. Nalungkot ako bigla. Parang naglalaho ang kaputian niya sa paningin ko.
Sa sumunod na araw ay pinagdala ako ng Mama ng kakanin sa kabilang bahay. Isa itong tradisyon tuwing Semana Santa, namimigay ng kakanin ang Mama. Tinanggap naman nina Ate Bok ang kakanin, nagpasalamat sila at nagkwentuhan kami saglit. Naka-apat nang anak si Ate Bok, nakatatlo naman na si Ate Merle. Magfo-fourth year college naman na ako, ilang buwan na lang ga-graduate na ako. Natuwa sila para sa akin, saka na naman nila tinawag si Pogi. Pero naka-ilang sigaw na si Ate Bok hindi pa nagpapakita si Pogi. Saka nila sinabi na hindi na nga nagpatuloy ng paga-aral si Pogi, nagloko kasi kaya hindi rin niya natapos ang hayskul. Ganyan lang siya, bum. Pasabit-sabit sa mga lakad. Mabuti na lang daw at masipag utusan kung hindi matagal na nila itong pinalayas. Saka tumawa si Ate Bok, jok lang daw. Hindi naman daw niya gagawin yun. Si Enchong naman daw, yung kuya ni Pogi, Engineer na. “Wow”, sabi ko. Si Enchong na lang sana ang naging childhood sweetheart ko. Nasa Cavite daw nagtratrabaho si Enchong, dun siya nadestino. Tinanong ko kung bakit hindi siya nagbakasyon. Nasa trabaho daw kasi, hindi makaalis.
Saka nagpakita sina Pogi at Benjo, galing sila sa panunungkit ng mangga sa likuran. Panahon na naman kasi ng mangga. Nagdala sila ng asin, suka at bagoong sa harapan namin, saka binalatan ni Pogi ang ilang mga mangga para sa amin. Nakangiti ako.
“Ang bait mo naman.” Inasar ko si Pogi.
“Asus! Walang ibang ginawa yan kundi maghanap ng lamon!” sabi naman ni Ate Merle.
“Hindi ah! Si Benjo kasi gusto niya mangga. Nagpakuha, kaya ikinuha ko na rin kayo.” Pagtatanggol naman niya sa kanyang sarili.
Napatingin ako kay Benjo, ang anak ni Ate Suzette. Malaki na siya, siguro magsa-siyam na taong gulang na siya. Gwapo ang bata, makinis ang kutis nito at matangos ang ilong. Mahahaba din ang kanyang mga pilik-mata at mamula-mula ang kanyang pisngi – parang si Ate Suzette. Nginitian ko siya, nakikita ko sa kanya si Ate Suzette, magkahawig talaga sila. Saka ako nag-usisa tungkol kay Ate Suzette.
“Nasaan nga pala si Ate Suzette?”
“Nasa Maynila”, sagot ni Ate Bok.
“Bakit hindi siya nagbakasyon?”
“Marami kasi siyang ginagawa eh, hindi siya makapagbakasyon.” Si Ate Bok ulit.
Tumango-tango lang ako, pahapyaw na tinignan ko si Pogi. Matulis ang nguso habang nagbabalat ng mangga. Alam kong may alam siya na itinatago lang nila. May nangyari kay Ate Suzette na ayaw nila ipaalam sa iba.
Kinagabihan, dumaan sa kalye namin ang prusisyon. Lumabas kami at nagsindi ng kandila, sumama sa prusisyon ang Mama, samantalang naiwan na lang akong nanunuod ng mga tao sa kalye. Lumabas din sina Ate Bok at nanuod. Pagkatapos ay nagpasukan na silang lahat, naiwan si Pogi na nakatambay pa rin sa labas ng bahay nila. Tinawag ko siya. Kumuha kami ng mga monobloc chairs sa loob ng bahay namin at nilagay namin sa garden at duon kami naupo. Alam niyang may itatanong ako sa kanya. Nakikiramdam siya.
Inumpisahan ko nang mahinahon ang usapan, nagkunwari akong interesado ako kung anong nangyari sa buhay niya. Humingi na rin ako ng dispensa sa ala-Robin Padilla niyang braso.
“Wala yun. Ako naman talaga ang may kasalanan.”
“Pero natulak nga yata kita.”
“Kahit na. Mas matanda ako sa iyo.”
“Ilang taon ka na nga ba?”
“22 na ko.”
“Ahh. 2 years lang pala tanda mo sa akin.”
“May boyfriend ka na ba?”
Umiling lang ako. “Eh, ikaw? Marami ka na siguro naging girlfriends no?”
Tumawa siya. Kinapa ang mga bulsa ng shorts niya, may hinahanap. Naglabas siya ng lighter, saka siya tumingin sa akin. Umiling ako, naintindihan naman niya. Ayoko ko kasi ng usok ng sigarilyo. Maliban na lang kung ako yung naninigarilyo dahil hindi ko naamoy ang usok, ibinubuga ko sa ibang tao. Dahil hindi ko siya pinayagang manigarilyo, itinago niya ulit ang lighter, sumandal sa monoblock at saka nagde-kwatrong upo. Lawlaw ang kanyang shorts na tulad ng sa mga basketbol players, kaya pakiramdam ko habang ginagalaw-galaw niya ang kanyang nakade-kwatrong mga paa, mahuhulog anumang oras ang itlog niya.
Natawa ako at umiling. Ayoko yatang makita yun. Baka ipakain ko pa kay Rizal. Napatawa rin siya nang tumawa ako. Natawa ako lalo dahil hindi niya alam na ang pinagtatawanan namin ay ang itlog niya. Ilang segundo din kaming tawa ng tawa. Marahil naalala niya noong bata pa kami, walang ginagawa sa buhay, naka-istambay lang. Pero iba na ngayon. Iba na ko sa kanya. Iba na ang buhay naming dalawa. Saka ko naalala ang mga tanong ko.
“Ano ba talaga ang nangyari kay Ate Suzette? Bakit parang may itinatago si Ate Bok kanina?”
“Bakit ba gusto mo malaman?”
“Kasi naku-curious ako. Kaibigan ko rin naman si Ate Suzette.”
“Nasa Maynila nga siya.”
“Anong ginagawa niya duon?”
Bumuntong-hininga si Pogi ng malalim. Nag-iisip kung sasabihin ba niya o hindi ang totoo sa akin. Alam ko konti na lang mapapaamin ko na siya. Kaya ginatungan ko pa ang aking pagtatanong.
“San ba talaga kayo nakatira? Sa Pasig ba?”
“Dati sa Pasig kami.”
“Dati?”, gulat kong tanong.
“Lumipat na kami sa Caloocan.”
“kailan pa?”
“Siguro mga limang taon na rin kami dun.”
“Limang taon? Eh yun lang yata yung uwi niyo nung namatay si Ninang ah!”
“Ah, oo. Pagkagaling namin dito. Ilang buwan lang lumipat na kami.”
“bakit sabi ni Ate Suzette noon puntahan… dalawin pala sa Pasig?”
Nagulat si Pogi sa sinabi ko. Umupo siya ng tuwid at saka tinitigan niya ako ng malalim.
“Sinabi yan sa iyo ni Tita Suzette?”
“Oo, nag-usap kami nuon sa burol ni Ninang.”
“Ano pang sabi niya sa iyo?”
“Bakit ba gusto mong malaman? Ako ang nagtatanong sa iyo, ah.”
Napatingin siya sa lupa, pagkatapos ay sumandal muli at nadekwatrong upo, saka siya umiling-iling.
“Wala lang.”
“Nasaan ba talaga si Ate Suzette? Para namang suspense ka, oh!”, ang naiinis ko nang himutok.
Sumimangot siya. Sa liwanag ng buwan nakita kong lumungkot ang kanyang mga mata. Kumikislap kislap ito, parang may namumuong mga luha na pilit niyang pinipigilan. Tumingala siya upang hindi dumaloy ang mga ito ng tuluyan. Saka siya nagpakawala ng napakalalim na buntong-hininga. Pagkatapos ay hinarap niya ako, ako na nananabik na naghihintay ng kasagutan.
“Anong sabi ni Tita sa iyo noong nag-usap kayo?”, ang mahinahon niyang tanong.
Napatulala ako, seryoso siya. Gusto niyang malaman. Kaya sinabi ko ang totoo. Sinabi ko kung paano inamin ni Ate Suzette ang pagda-drugs niya, ang pagtulog niya sa Luneta, ang pagkakaroon niya ng boyfriend, at ang pagkahanap niya sa Diyos. Nakatingin lang si Pogi sa akin. Nag-iisip.
“Siguro, dalawa o tatlong buwan pagkagaling namin dito. Ipinasok namin si Tita sa drug rehab.”
Nagulat ako. “Drug rehab?”
Tumango lang si Pogi.
Pero hindi pa rin ako makapaniwala, “Bakit niyo ipinasok? Okay naman na siya nung nagkausap kami ah.”
“Akala nga din namin okay na siya. Pero bumalik siya sa dati. Nagwawala siya kapag hindi siya nakakakuha. Pagkatapos, pinapalo niya si Benjo. Alam mo yang si Benjo, hindi na ko magtataka kung ayaw na niya makilala nanay niya. Grabe inabot nang batang yan sa nanay niya!”
“Dahil lang dun ipinasok niyo na?”
Tumingin siya sa akin. Gulat ang reaksyon niya, “Dahil lang duon?”
Naging defensive ako, nakataas ang aking mga kilay na naghihintay ng kanyang susunod na reaksyon.
“Nawawala siya nuon ng siguro isang linggo. Hanap kami ng hanap sa kanya. Umiiyak na nuon sina Ate Bok, nagagalit na sila sa amin ni Kuya dahil kami ang kasama niya sa bahay. Dapat kami ni Kuya ang nagbabantay sa kanya. Natatakot kaming hindi na namin siya makita ng buhay. Baka nilaslas na lang siya sa kalye pagkatapos reypin..”
“Ano ka ba naman! Bakit mo naman iisipin yan? Sinabi mo pa! tok tok mo sa kahoy!”
“Ha?”
“Ikatok mo para hindi magkatotoo!”
“Ikatok ang alin?”
Hindi niya ako naiintindihan. Hindi ko rin naiintindihan ang mga pinagsasabi ko. Hindi ko maipaliwanag ng maayos dahil sa takot at gulat ko para kay Ate Suzette. Kaya kinuha ko ang kanyang kamay, pinorma sa isang kamao at ikinatok ko sa katabi naming puno. Nagpaanod siya sa ginawa ko, nakatingin pa rin sa akin nang pagkatapos kumatok ay bumalik na ko sa silya. Saka siya tumawa.
“Ano yun?”
“Basta!” Para akong batang nahuli na may ginagawang kababalaghan. Nahiya ako sa ginawa ko pero itinago ko ito sa aking pagkamataray, na kunyari wala akong pakialam sa kung ano ang iniisip niya.
Umupo na siya sa silya, nakatingin pa rin sa akin.
“Matagal nang nangyari yun. Sa awa ng Diyos wala namang masamang nangyari sa kanya.” Paliwanag ni Pogi.
“San niyo siya nahanap?”
“Hindi namin siya nahanap. Kusa siyang inuwi nung dati niyang kinakasama. Addict din kasi yung lalakeng yun, kaya naimpluwensiyahan siyang mag-drugs uli.”
“Buti isinoli pa siya.”
“Wala siyang magawa, hindi rin niya makontrol ang tita kapag nagwala.”
“Tapos?”
“Tapos nagwala ulit siya sa bahay, kaya nagpatawag na yung asawa ni Tita Bok, tapos ipinasok na sa rehab si Tita.”
“Pagkatapos? Andun pa rin siya hanggang ngayon?”
Umiling si Pogi.
Kinabahan ako. Nanahimik ako, naghihintay sa mga susunod na bibigkasin ni Pogi.
Ilang minuto ang lumipas. Inip na ko.
“Ano ba! Grabe ka naman sa suspense, oh! Ano na nangyari? Nasan na siya ngayon?”
Nagulat siya sa bigla kong pagsigaw, nagalit na rin siya pero hindi niya ako pinatulan. Tumalikod siya at nanigarilyo. Napatda ako sa reaksyon niya. Ang kapal ng mukha niya, dito pa siya sa garden ng Mama maninigarilyo. Sasabihin ko sana na magagalit ang Mama kasi maaamoy sa bahay ang baho ng usok nito pero nang hinarap ko siya, nakita kong seryosong –seryoso siya. Na kapag inasar ko pa, baka sasakalin na lang niya ako anumang oras. Kaya tumahimik ako. Hinayaan ko siyang ubusin niya ang isang stick ng Winston Lights.
Umupo siya sa monoblock chair, saka niya ipinaliwanag sa akin na huwag huwag ko raw babanggitin kahit kanino ang napagusapan namin. Baka raw magkalat na naman ng tsismis dito sa amin tungkol kay Ate Suzette. Narinig daw kasi ni Ate Suzette lahat ng balita noon kaya naapektuhan siya. Kaya pala malungkot siya nuon nung makausap ko, narinig pala niya lahat. Hanggang sa matapos ang libing at bumalik silang Maynila, hindi na bumalik ang sigla niya. Nasa loob lang siya ng bahay palagi. Ipinaliwanag din ni Pogi na huwag ko na raw siyang hahanapin at huwag na raw akong magtatanong. Basta nasa mabuting kalagayan daw ang Tita Suzette niya at nagpapagaling.
“Nagpapagaling? Anong sakit niya?”
Hindi na ako sinagot ni Pogi, sinindihan niya ulit ang isa pang stick ng Winston Lights. Saka siya tumayo at umalis. Tinawag ko siya ulit. Lumingon lang siya pero hindi na siya lumapit.
“Totoo bang naging calendar girl siya ng Ginebra dati?”
Ngumiti si Pogi, tumango siya. Pagkatapos ay tumalikod siya at tuluyan nang umalis.
Hindi ako nakatulog nang gabing iyon. Sabi niya kalimutan ko na lahat. Pero ang hirap yatang gawin yun.
At ngayon nga, limang taon mula nang magkausap kami ni Pogi, at sampung taon mula nang huli kong makita si Ate Suzette. Nakalimutan ko na ang kabanatang iyon, na pakiramdam ko, kapag namatay ako, maituturing na lang siyang isang “unfinished business”. Nagkaroon na rin ako ng mga karanasang maibibida ko kung may lumapit man sa akin at humingi ng advise o kung anu pa man. Nakadalawang kurso na rin ako, uso kasi ang pagkuha ng Nursing. At dahil sa nasa ibang bansa na ang ate ko, praktikal lang para sa akin ang mag-Nursing din upang mapaunlad ang buhay ko sa pamamagitan ng pagtratrabaho sa ibang bansa bilang nars. Naipasa ko na din ang pambansang pagsusulit para sa lisensiya ng mga narses, at hindi rin naman nakakahiya ang markang nakuha ko. Ngayon, papasok ako sa trabaho. Isang taon lang daw akong kukuha ng experience sabi ng ate ko, pwede na akong umalis ng bansa.
Ilang buwan na rin akong nagtratrabaho sa Ospital na ito, konting panahon na lang maayos na ang mga papeles ko. Maaari na akong lumipad patungo sa ibang bansa upang duon mamuhay, duon umpisahan ang buhay ko, duon kumita ng maraming pera.
Sa aking araw-araw na pag-aalaga sa mga pasyente dito, at paniniguro na hindi nila sasaktan ang kanilang mga sarili, parang may kakaiba sa araw na ito. Umikot ako sa ward namin na parang naghahanap pero wala akong maisip kung anong kakaiba. Hanggang sa matapos ang shift ko at palabas na ako ng building nang may makita akong pamilyar na mukha sa may garden ng ospital. Hindi ko alam kung bakit biglang bumigat ang pintig ng puso, pinagpawisan ako ng malapot habang pakiramdam ko ay binuhusan ako ng malamig na tubig.
Lumingon siya. Iba na ang itsura niya ngayon. Ang dating mamula-mula at kaakit-akit niyang mukha ay napalitan ng isang maputlang anino. Ang matayog niyang pagkatao ay napalitan ng isang nagtatagong kaluluwa, na nagnanais kumawala sa katawang tao na bumibilanggo sa kanya. Lumapit ako, pero nag-iwan ako ng dalawang hakbang sa pagitan namin. Ayoko siyang matakot, ayoko siyang matakot sa akin. Maikli na ngayon ang kanyang dati’y mahaba na buhok, gupit lalake na ito. Maitim na ulap ang nakatakip sa dati'y asul na kalangitan sa kanyang mga mata, mugto ang mga ito, galing siya sa pag-iyak; at ang kanyang dati’y malusog na pangangatawan… parang ninakawan siya ng ilang piraso ng kanyang tadyang at lamang loob dahil sobra ang ipinayat niya. Halos hindi ko siya mapagkamalang siya, maliban na lang sa kanyang ngiti.
Nakita niya akong nakatayo sa harapan niya. Nginitian niya ako. Bumilis ng bumilis ang pintig ng puso ko, nauubusan ako ng hangin, nag-iinit ang mga kamay ko, napapaso ang mga mata ko. Diniligan ito ng mga luhang kusang dumaloy upang mapatid ang pagkatigalgal ng aking kamalayan. Si Ate Suzette. Sa tagal ng paghahanap ko sa kanya, at kung kailan handa na akong umalis at iwanan ang lahat, saka ko siya makikita… at dito pa. Bakit dito pa.
Pinagmasdan ko siya. Anduon pa rin ang mga pekas niya leeg, pero hindi na kasing puti nang nasa alaala ko ang kanyang kutis, ang kanyang mukha. Para siyang isang batang nakangiti sa kawalan, may kalarong anghel, may nakikitang hindi ko nakikita.
Kinausap ko siya. Sabi ko kamusta na siya. Tinignan niya ako, saka niya ako tinawag. Pinaupo niya ako sa kanyang tabi. Tinitigan niya ako gaya ng pagtitig niya sa akin nung bata pa ako. Sa sandaling iyon nakita ko ang Ate Suzette na kausap ko noon sa burol ng Ninang ko. Hinaplos niya ang aking buhok. Saka siya nagsalita.
“Maikli na ang buhok mo ngayon. Mas mahaba dati di ba?”
Nagulat ako, naaalala niya ako. Natuwa ako at isang nagpapasalamat na ngiti ang naukit sa aking mukha.
“Ate Suzette. Maikli na rin ang buhok mo.”
Ngumiti siya. Hinawakan niya ang kanyang buhok, saka parang nahihiya siya na nadatnan ko siyang ganoon ang itsura. Sinuklay niya ng kanyang mga kamay ang kanyang buhok, pinunasan niya sa pamamagitan ng manggas ng kanyang daster ang dumi niya sa mukha. Tumalikod siya sa akin at dumahak sa lupa, pagkatapos ay inamoy niya ang kanyang hininga. Natawa ako. Saka ko hinagod ang likuran niya. Tinanong ko kung anong ginagawa niya. Humarap siya sa akin na tinatakpan niya ang kanyang bibig, hindi pa raw siya nagtu-toothbrush. Ngumiti ako, sabi ko hindi niya kailangang mag-toothbrush para sa akin. Hindi mababawasan ang paghanga ko sa kanya.
Alam kong napangiti ko siya sa sinabi ko, dahil sa likod ng kanyang kamay ay kumikisklap ang kanyang mga mata sa tuwa. Hanggang sa tuluyan nang tumulo ang kanyang mga luha. Humihikbi lang siya, pero nang lumaon ay humagulgol na siya. Pinatahan ko siya, hinagod ang kanyang likuran. Ayoko siyang umiyak. Naiiyak na naman kasi ako. Yumakap siya sa akin. Baligtad na ang posisyon namin ngayon. Yumakap siyang parang isang batang nagsusumbong sa kanyang ina. Humahagulgol siyang nakayakap sa baywang ko. Hinagod ko ang kanyang buhok, na parang isang ina na uma-alo sa nagtatampong anak.
Ito ang hantungan ng sampung taong pagitan namin. At ngayon nakita ko na siya ulit. Taliwas sa inaasahan ko ang mga pangyayari. Ngayon ko napagtanto na isang balatkayo lamang pala ang nakilala ko at ang hinanap ko, dahil ngayon at nakita ko na ang katauhan sa likuran ng maskara. Hindi ko na ito gugustuhing makita pa. Humahanga pa rin ako sa tapang niya, humahanga pa rin ako sa katatagan niya. Humahanga pa rin ako sa balatkayo niyang kagandahan… pero wala na ang uri ng paghanga ko noong una ko siyang makilala. Dahil hinayaan niyang sirain ng isang kemikal ang buhay niya, dahil kahit matapang siya, ang katotohanan ay mahina siya, sumusuko kaagad sa tawag ng laman – naaawa ako. Naaawa ako sa kanya.
Ako naman ang magbibigay ng mga pangaral sa kanya ngayon. Ako naman ang magsasabi na pahabain niya ang kanyang buhok; ako naman ang magsasabi na alagaan niya ang kanyang mga ngipin dahil crowning glory ito ng mga babae; ako naman ang magtatanong kung nais pa niyang makita muli ang kanyang anak; ako naman ang magtatanong kung nais pa niyang gumaling at tuparin ang kanyang mga pangarap.
Sa natitira ko pang panahon bago ako umalis, araw araw ko siyang dinadalaw. Minsan nagkakausap kami ng maayos, minsan naman paikot ikot lang kami. May mga pagkakataong nagiging bayolente siya, at dahil mahina ako hindi ko siya kayang pigilan, pinipigilan ko na lang ang aking mga luha tuwing ikinukulong siya sa isolation room. Tinatawag niya ang aking pangalan, humihingi ng tulong. Pero natuto akong maging matigas, dahil hindi ko siya matutulungan kung magiging mahina rin ako.
Magpapatuloy ako sa buhay dala ang karanasan kong ito. Hindi ko alam kung ano talaga ang natutunan ko, kung ano ang aral sa kwento ko. Ang mahalaga ay nahanap ko siya, at tinutulungan ko siya ngayon, at kung darating ang panahon na hindi na niya kakailanganin ng tulong ko, matutuwa ako sa ala-alang may isang taong nagkaroon ng maliit na parte sa buhay ko, at ako sa buhay niya (kahit hindi na niya alam, siguro).
END @aymi
Labels home run, Short Story